December 23, 2024

Home BALITA National

Mga pulis, gumamit ba ng 'puwersa' dahil Duterte-supporter si Quiboloy? -- VP Sara

Mga pulis, gumamit ba ng 'puwersa' dahil Duterte-supporter si Quiboloy? -- VP Sara
(file photo)

Hindi raw maiwasan ni Vice President Sara Duterte na tanungin ang kaniyang sarili kung ang naging paggamit ba ng mga awtoridad ng umano’y “‘di pangkaraniwang puwersa at ‘di makatarungang pang-aabuso” nang pinasok nila ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound ay dahil isang kilalang tagasuporta ng mga Duterte ang akusadong si Pastor Apollo Quiboloy.

“Hindi ko maiwasang matanong sa sarili kung ang paggamit ba ng di pangkaraniwang pwersa at di makatarungang pang-aabuso sa ordinaryong Pilipino, upang maipatupad ang naturang warrant of arrest, ay dahil sa ang akusado ay isang kilalang Duterte-supporter,” giit ni Duterte sa isang pahayag nitong Linggo, Agosto 25.

Ang naturang pahayag ni Duterte ay nangyari sa gitna ng kaniyang pagkondena sa nangyaring pagpasok ng nasa 2,000 pulis nitong Sabado, Agosto 24, upang isilbi ang arrest warrant ni Quiboloy at mga kapwa-akusado nito.

Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa kasong “ANTI-TRAFFICKING IN PERSONS ACT OF 2003 (RA9208 AS AMENDED BY RA 10364), REPUBLIC ACT 7610 (SPECIAL PROTECTION OF CHILDREN AGAINST ABUSE, EXPLOITATION, AND DISCRIMINATION ACT), AND CONTEMPT OF COURT.”

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

MAKI-BALITA: 2,000 pulis, hinalughog KOJC compound para kay Quiboloy

Sa gitna ng naturang paghalughog ng mga pulis ay isang miyembro ng KOJC ang naiulat na nasawi at dead on arrival umano ito sa ospital dulot ng cardiac arrest.

MAKI-BALITA: 1 KOJC member, patay sa gitna ng paghalughog ng PNP para kay Quiboloy

Ayon sa bise presidente, hindi raw niya tinututulan ang implementasyon ng anumang warrant of arrest na naaayon sa batas, ngunit hindi naman umano kailanman magiging katanggap-tanggap ang “paggamit ng dahas laban sa mga inosenteng mamamayan at mga deboto ng KOJC.”

“I vehemently condemn the gross abuse of police power in the takeover of the KOJC compound earlier today, which led to the harassment of religious worshipers, the abuse of minors, and the unnecessary loss of life,” giit ni Duterte.

“These acts are not only a blatant violation of Constitutionally-protected rights but a betrayal of the trust that we, Filipinos, place in the very institution sworn to protect and serve us,” dagdag niya.

Sa naturang pahayag ay humingi rin ng tawad ang bise presidente sa mga miyembro ng KOJC dahil pinakiusapan daw niya ang mga ito noong 2022 na iboto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Kaya nais ko ring humingi ng kapatawaran sa lahat ng miyembro, deboto at bumubuo ng Kingdom of Jesus Christ, sa paghikayat at pakiusap ko sa inyong iboto si Bongbong Marcos Jr. noong 2022. Nawa'y mapatawad ninyo ako,” ani Duterte.

“You deserve better. Filipinos deserve better,” saad pa niya.

MAKI-BALITA: VP Sara, humingi ng patawad dahil nakiusap siyang iboto si PBBM noong 2022