Nagbigay ng reaksiyon ang labor leader at dating presidential candidate na si Ka Leody De Guzman hinggil sa naging pagkakamali ng supporters ni dating Presidential spokesperson Harry Roque sa ginanap na forum sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) kamakailan.
Bumibigkas kasi ng pananalita si Roque na ang laban umano nila ay hindi na lamang tungkol sa Duterte at Marcos kundi laban na ng pwersa ng kadiliman at kabutihan. Pero sa halip kabutihan, “kasamaan” ang naidugtong ng mga supporter niya.
Kaya sa Facebook post ni Ke Leody nitong Linggo, Agosto 25, sinabi niya na may ipinasilip umano sa sambayanan ang nasabing pagkakamali dahil may hibo raw ito ng katotohanan.
“Ang pinatutungkulan natin ay ang maling balangkas ng ‘lesser evil’. Ang naglalaban ay mga elitistang dinastiya habang ang ordinaryong mamamayan ay pinapipili kung sino sa mga demonyong angkan ang may mas maiksi ang sungay at buntot,” saad ni Ka Leody.
“Sa eleksyong 2025, at tila ganito rin hanggang 2028, maglalaban ang dating “Uniteam” ng mga Marcos at mga Duterte, at papipiliin tayo kung sino ang ‘lesser evil,’” aniya.
Dagdag pa niya: Walang totoong ‘choice’ sa pamimili kung sinong dinastiya ang ‘maliit na kasamaan’. Para itong pagpili sa pagbigti o paglason ng isang nagtitiwakal. Wala naman pagpipilian kung ang dulo ay patuloy na pagsasamantala, kahirapan, at pagnanakaw sa taumbayan.”
Kaya naman iginiit niya ang pangangailangang magkaroon ng kinatawan ang masa—sa halip na mga elitista—para maging pinuno ng bayan.