November 07, 2024

Home BALITA

Sen. Jinggoy Estrada, inulan ng kritisismo matapos makipagsagutan sa babae

Sen. Jinggoy Estrada, inulan ng kritisismo matapos makipagsagutan sa babae
Photo courtesy: Sen. Jinggoy Estrada (IG)

Kumakalat ang viral video kung saan mapapanood ang isang babaeng tila may kaaway na mambabatas, na kinilalang si Sen. Jinggoy Estrada.

Batay sa ilang mga netizen, ang puno't dulo raw ng talakan ng dalawa ay ang pagpupumilit ni Estrada na makausap ang mga residente ng San Juan na naapektuhan ng sunog sa Barangay Bartis noong Abril 2024.

Nagsadya raw si Estrada sa evacuation center para sabihin sa mga residenteng naroon na magpapaabot siya ng ayudang pinansyal.

Hindi raw pumayag ang babae sa video na makausap ng mga kinatawan ni Estrada ang mga apektadong residente, kaya siya na mismo ang nakipag-usap dito. Katwiran daw ng babae, dis-oras na raw ng gabi, ngunit nagpumilit umano ang senador. Dito na nagkapalitan ng mga salita ang dalawa. Ang babae sa video ay opisyales pala sa San Juan habang si Jinggoy naman ay dating mayor.

National

‘Life-threatening conditions’ nagpapatuloy sa ilang bahagi ng Luzon dahil kay Marce – PAGASA

Nakarating naman kay Sen. Jinggoy ang tungkol dito at naglabas ng opisyal na tugon upang ipaliwanag ang kaniyang panig.

Ayon sa kanya, pinalalabas daw kasing ginagamit niya sa personal na interes ang posisyon bilang senador.  Depensa naman ni Estrada, totoong ginagamit niya ang kaniyang kapangyarihan bilang senador pero hindi para sa personal na interes kundi upang makatulong, lalo na sa mga taga-San Juan na minsan na niyang pinaglingkuran bilang dating alkalde.

“Opo, ako po ay senador at ginagamit ko ang posisyong ito para makatulong lalong-lalo na sa mga taga-San Juan na kinalakihan ko at hindi ko hahayaan na mapigilan ako na makiramay sa mga nangangailangan sa panahong kailangang-kailangan nila ng tulong,” ani Estrada.

Aniya, malinaw raw na ito ay isang anyo ng pamumulitika laban sa kaniya.

“Ang pagpapalabas at pagpapakalat ng mapanirang TikTok video ay malinaw na malinaw na may bahid pulitika. Kung bakit ngayon ito ipinakalat, tanging ang mga nasa likod nito ang siyang makakasagot,” aniya pa. 

Hindi naman nagsabi ang senador kung may balak siyang magsagawa ng legal na hakbang laban sa nagpakalat ng video.