Tatakbong senador ang lider ng farmers group na si Danilo “Ka Daning” Ramos sa 2025 midterm elections upang isulong ang interes ng mga magsasaka at mamamayan ng bansa.
Inanunsyo ito ni Ramos, 67-anyos na lider ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), sa isang nangyaring pagtitipon sa Bulacan noong Huwebes, Agosto 22.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Ramos na inalok siya ng Makabayan Coalition na tumakbo sa pagkasenador dahil sa kaniyang karanasan at sa apat na dekadang pagpapakita ng dedikasyon para sa interes ng mga magbubukid, masang anak-pawis, at mamamayang Pilipino.
“Alam ko hindi madali ang nakaatang sa inyong lingkod, pero buong-puso ko pong tinatanggap ang pagtakbo sa Senado sa susunod na taon,” ani Ramos.
“Panahon na. Magsasaka, itanim sa Senado. Ipunla upang mag-ani, at darating ang araw na magtatagumpay po tayo. Manggagawa, magsasaka, mangingisda, mahalaga sa Senado. Koalisyon Makabayan, dalhin natin sa Senado. Kapag po kami ay nagtagumpay, ang masa at ang taumbayan ang panalo,” saad pa niya.
Si Ramos daw ang ikapitong magiging kandidato ng pagkasenador sa hanay ng Makabayan Coalition, kasama sina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas, Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis, Pamalakaya Vice Chairperson Ronnel Arambulo, dating Anti-Poverty Czar Liza Masa, at dating Bayan Muna Rep. Teddy Casiño.
MAKI-BALITA: Rep. France Castro, tatakbong senador sa 2025: ‘Para sa tunay na pagbabago'
MAKI-BALITA: Gabriela Rep. Arlene Brosas, tatakbong senador sa 2025
MAKI-BALITA: Labor leader Jerome Adonis, tatakbo bilang senador sa 2025
Matatandaan namang sinabi ni Castro kamakailan na target ng Makabayan bloc na makabuo ng 12 senatorial candidates mula sa iba’t ibang sektor, lalo na sa “marginalized sector.”
MAKI-BALITA: Makabayan bloc, target bumuo ng 12 senatorial candidates para sa 2025 -- Castro