Isang makabagbag-damdaming mensahe ang ipinaabot ng isang college graduate na miyembro ng LGBTQIA+ community sa kaniyang amang very supportive sa kaniyang mga plano sa buhay, tulad ng kaniyang pagsali sa beauty pageants.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng gay son na si Violet Huelar, 22, ang isang video kung saan makikita ang ilang mga tagpo kung paano siya sinuportahan ng kaniyang ama sa bawat yugto ng kaniyang buhay.
Makikita rin sa video kung paano naging emosyunal ang kaniyang ama nang maisuot na niya ang itim na toga at maka-graduate sa kursong Bachelor of Physical Education bilang latin honor.
“Dear Papa, thank you for everything. Hindi ko man matutumbasan ang sakripisyo mo sa akin, pero isa lang ang maipapangako ko, iaalis ko kayo sa kahirapan kahit bakla ang anak mo,” mensahe ni Huelar sa kaniyang Papa Toto.
“Ikaw ang magiging inspirasyon ko para hindi sumuko kasi ikaw ang lakas ko. Babawi ako sa inyo. Lahat ng nakamit at makakamit ko pa ay hindi ko lamang tagumpay, bagkus ay tagumpay natin. Mahal na mahal kita,” dagdag pa niya.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Huelar na maswerte siya dahil suportado ng kaniyang buong pamilya—kaniyang ina, nakababatang kapatid na babae, at lalo na kaniyang ama—ang kaniyang tunay na pagkatao at pagiging miyembro ng LGBTQIA+ community.
Ginawa naman daw niya ang video ng pagbibigay ng pagkilala sa kaniyang ama para magbigay-inspirasyon sa iba dahil alam niyang maraming ama sa mundo ang hindi tanggap ang kanilang mga anak dahil sa kasarian ng mga ito.
“Out of nowhere ginawa ko yung video, tas ayun naiyak ako,” ani Huelar. “Bihira lang po ang tanggap na bakla ng kanilang ama.”
Habang isinusulat ito’y umabot naman na sa mahigit 74,500 reactions, 2,900 coments, at 2,800 shares ang naturang post ni Huelar.
Matatandaang naitampok din ng Balita ang kuwento nina Huelar at Papa Toto sa pagdiriwang ng Pride Month noong Hunyo.
BASAHIN: Tatay, very supportive sa anak na miyembro ng LGBTQIA+ community