Nagulantang ang fans ng Cignal HD Spikers matapos ilabas ng Zus Coffee nitong Biyernes, Agosto 23, ang latest endorsement nito kung saan bumida si Bionic Ilongga Jovelyn Gonzaga at sinabing sila na ang main sponsor nito.
Matatandaang kamakailan nga ay naglabas ng pahayag si Gonzaga kung bakit wala siya sa official line-up ng HD Spikers sa Reinforced Conference. Ayon sa kaniyang Instagram story noong Agosto 13, pansamantala siyang nagpahinga ngayong conference bunsod na rin ng kaniyang mahabang karera sa indoor at beach volleyball.
Samantala, nabahala naman ang awesome nation dahil sa inilabas ng Zus Coffee kasama si Gonzaga kung saan mabilis na kumalat ang mga haka-haka sa paglipat niya ng koponan.
Maraming fans tuloy ang nagtatanong kung end of an era na nga para sa GonzaQuis dahil kahit si former Cignal team Captain Rachel Anne Daquis ay wala pa ring kumpirmasyon sa pagbalik nito sa liga o kung tuluyan na siyang nagretiro.
Mula sa mga Instagram post ni Daquis, makikitang abala na siya sa bago nitong karera kung saan binuksan niya nga sa Spain ang kauna-unahang Filipino Bakery matapos niyang manggaling sa isang volleyball clinic Estados Unidos noong isang taon.
Hanggang ngayon ay wala pa ring kumpirmasyon mula sa dalawa kung babalik pa nga ba sila sa koponan. Bagamat wala ang power duo, muli namang nagawang ibangon ng HD Spikers ang kanilang franchise na ngayon ay pumapangalawa na sa team standing ng Premier Volleyball League Reinforced Conference.
Kate Garcia