Pormal na humingi ng tawad ang miyembro ng all-male K-pop group na BTS na si Suga sa harap ng media sa tanggapan ng Yongsan Police Station nitong Biyernes, Agosto 23.
“I am deeply sorry. I sincerely regret disappointing my fans and the public. I will cooperate with the investigation. Once again, I apologize,” saad niya.
Matatandaang namataan si Suga sa isang insidente noong Agosto 6 kung saan nahuli siyang nagmamaneho ng isang scooter habang nasa impluwensya ng alcohol.
Lumalabas sa imbestigasyon na batay sa kaniyang “blood alcohol concentration”, umabot sa 0.227% ang alcohol level niya habang ang pinahihintulutan lamang sa kanilang batas ay nasa 0.08%.
Samantala, nagpahayag naman ng malawakang suporta ang kanilang fanbase na ARMY mula sa iba’t ibang bansa mula online campaign sa pamamagitan ng hashtag na: #protectsuga, #btspurpleribbonproject at #wesupportyoongi. Marami rin sa kanilang tagasuporta ang nagkabit ng ilang tarpaulin sa Seoul bilang pagpapakita ng kanilang pagmamahal kay Suga.
Sabay naman sa pagpapakita nila ng suporta, ilang ARMYs ang nababahala dahil umano sa pananamantala ng media sa isyung kinasangkutan ng miyembro. Si Suga ang kauna-unahang BTS member na nasangkot sa police investigation matapos ang 11 taon. Naging laman ng iba’t ibang bersyon ng balita si Suga na mas pinalala pa dahil kasalukuyan nitong kinukumpleto ang kaniyang military service.
Kate Garcia