Nag-aapoy ang TikTok inbox ng mga netizens dahil sa nauusong streak ng TikTok app na nagsimula nitong Hunyo kung saan halos inoobliga nito ang users na magpalitan ng mensahe para mapanatili ang tumataas nilang streaks.
Tila may kaniya-kaniyang entry na nga rin ang TikTok users kung saan ang kanilang “friendship” ang nakasalalay kapag hinayaang mawala at mag-back to zero ang streak. Ang iba, may pagbabanta na friendship over at may ilan namang nagsasabing tinatapatan daw ng streak ang kanilang commitment issues.
Sa nauusong streak, hindi puwedeng lumampas sa 24 hours na hindi gumagalaw ang inbox ng dalawang magkausap na users para hindi sila mag-back to zero. Sa pamamagitan kasi ng mensahe nakasalalay ang pagtaas ng kanilang streak badge na palatandaan ng araw-araw na palitan ng videos at chat.
Maraming kumagat sa pakulong ito ng TikTok lalo na sa pagkalat ng mga contents na maaari silang makakuha ng $2,000 o tinatayang Php115,000 kapag umabot na sila sa streak 100.
Samantala, pinabulaanan naman ito ng TikTok management sa isang interview nito sa Forbes, kung saan sinabi nilang walang katotohanan ang kumakalat na contents sa application tungkol sa pagbabayad nila ng nasabing halaga. Pinaalalahan din ng management ang users na gamitin ang “filter” features nito upang masala ang mga fake news na iniuugnay sa streak.
Kate Garcia