Kamakailan, nagkaroon ng iringan sa pagitan nina Vice President Sara Duterte at Senator Risa Hontiveros sa isinigawang budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) sa Senado.
Sa naturang pagdinig, nagtanong si Hontiveros tungkol sa ipinamamahaging librong sinulat ni Duterte, at kung tungkol saan daw ito.
BASAHIN: VP Sara, Sen. Risa nagkairingan; hindi maintindihan ugali ng isa't isa
Sa isang pahayag ni Deputy Majority Leader Iloilo 1st district Rep. Janette Garin nitong Biyernes, ang deliberasyon ng pondo ng gobyerno ay upang malaman kung saan napupunta ang buwis ng bayan.
Sinabi rin ng dating DOH secretary na madali raw sana mai-justify ng bise presidente kung ni-relate umano nito ang kaniyang libro sa "mental health."
"We can always answer, 'Oh merong libro, kailangan iyan because it is teaching children morals and values, and friendship is actually part of mental health,” saad ni Garin.
Kasunod nito, nabanggit niya na baka may bumulong o may mga nang-intriga kaya ang sagot daw ni Duterte ay parang "pinersonal" niya.
“Siguro may mga bumulong, may mga nang-intriga kaya tuloy ang sagot ni VP Sara is parang pinersonal niya. Parang kapareho kasi yan dun sa [rumors na] pinapa-impeach ka pagdating dito sa Kongreso, syempre parang off na kaagad. Preconditioned 'yung mind niya probably na 'yung mga kaharap niya ay masasamang tao kasi may nagsulsol," teorya ni Garin.
Paliwanag pa ng Iloilo solon na pagdating sa budget hearings ay may mga mambabatas daw talaga na magtatanong tungkol sa priority programs ng isang departamento o tanggapan dahil ang pinag-uusapan daw ay ang pondo ng bayan.
"In a budget briefing, any question can be thrown as long as it’s still related to the budget because when we deal about the budget, we’re talking about where taxpayer’s money are going.
"That's why as government officials, it's really very important for us to be wary about the solsuleras and mga marites because…they will also have their own vested interest…but you know in in budget briefings, talagang you just ask about each program,” ani Garin.
Matatandaang humihingi ang OVP ng P10 milyon para sa production at distribution ng libro ni Duterte na pinamagatang "Isang Kaibigan."
Ang susunod na deliberasyon ng budget ay sa Agosto 27.