January 08, 2025

Home FEATURES Human-Interest

‘World oldest person’ pumanaw na; sino nga ba ang papalit?

‘World oldest person’ pumanaw na; sino nga ba ang papalit?
Photo courtesy: Guinness World of Records

Pumanaw sa edad na 117 ang world’s oldest person na si Spanish centenarian Maria Branyas noong Martes, Agosto 20 mula sa kumpirmasyon ng kanyang pamilya.

Sa isang maikling post sa X account ni Branyas, kinumpirma ng kanyang pamilya ang pagpanaw nito.

“Maria Branyas has left us. She has gone the way she wanted: in her sleep, at peace, and without pain,” mababasa sa post.

Enero 2023 ng gawaran si Branyas ng Guinness World Record matapos pumanaw ni Lucille Randon sa edad na 118. Bunsod nito, si Branyas ang naging ika-12 pinakamatandang tao na nabuhay sa kasaysayan ayon sa tala ng Gerontology Research Group.

Human-Interest

'Advanced mag-isip' na tag price sa ₱25 kada piraso ng kamatis, usap-usapan

Marso 4, 1907 nang isilang si Branyas, dalawang taon bago magsimula ang konstruksyon ng barkong Titanic. Isa rin sa mahahalagang pangyayari na kanyang inabutan ay ang kasagsagan ng World War I at pagsiklab ng World War II. Mas lalo rin siyang nakilala bilang isa sa pinakamatandang tao sa mundo na gumaling bagamat naging positibo noon sa COVID-19.

Sa pagpanaw ni Branyas, nakatakdang pumalit sa kanyang titulo si Japanese centenarian Tomiko Itooka. Si Itooka ay kasalukuyang nasa edad 116 na isinilang noong Mayo 23, 1908. Disyembre noong nakaraang taon nang kilalanin din siya ng Japan bilang “oldest living person” sa kanilang bansa. Sa edad na 100, nagawa pa ni Itooka na akyatin ang Stone Steps of Ashiya Shrine kahit hindi gumagamit ng tungkod. Kasalukuyang nasa pangangalaga ng nursing home si Itooka mula taong 2019.

Sa kasalukuyan, 50 sa pinakamatatandang nabubuhay ay kababaihan. Habang ang bansang Japan naman ang kinikilala ngayong “country of the world’s longest-living people.” Katunayan, noong 2022 ay nagtala ang Japan ng halos 90,000 centenarians na sinusundan naman ng Australia na mayroong 4,250.

Ang pinakamatandang taong nabuhay naman ay nagmula sa Arles, France na pumanaw noong 1977 sa edad na 122.

Dito sa Pilipinas si Francisca Susano o mas kilala bilang “Lola Iska” ang kinilalang pinakamatandang Pilipino na nabuhay sa edad na 124. Bagamat naipasa ang aplikasyon ni Lola Iska bilang “oldest living person in the world,” hindi na ito pormal na naideklara ng Guinness World of Records dahil sa biglaang pagpanaw niya sa Negros Occidental noong Nobyembre 22, 2021.

Marami pang supercentinarrians ang umano’y mula rin sa Pilipinas katulad na lamang ni Martina Sumagaysay na mula pa rin sa Negros Occidental na pumanaw sa edad 150 noong 1923. May iba pa ring naiulat katulad nina Si Felipe Pedris ng Murcia ng Negros Occidental noong 1923 na may edad na 130 taon. Habang si Petronila B. Opal ng Viga, Catanduanes, na batay sa kanyang death certificate noong 1981 ay pumanaw sa 129. Sa kasamaang palad, walang beripikadong ebidensya ang makakapagpatunay sa mga ito.

Kate Garcia