Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakikipag-ugnayan na ang Pilipinas sa Indonesia para sa agarang pagpapabalik sa bansa ng nahuling kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na si Sheila at kaibigan nitong si Cassandra Li Ong.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Marcos na inaasahang makakabalik na ng bansa sina Sheila at Cassandra ngayon ding Huwebes, Agosto 22.
“We are now in coordination with the Indonesian government and agencies, arranging for them to [return],” ani Marcos.
Matatandaang nitong Huwebes ng umaga nang ianunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na nabalitaan niya sa Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ng gabi, Agosto 21, ang pagkahuli sa dalawang kasama ni Guo.
MAKI-BALITA: Dalawang kasama ni Alice Guo, hawak na ng Indonesian immigration office
Ito ay nangyari ilang araw matapos isiwalat ni Senador Risa Hontiveros noong Lunes, Agosto 18, na na nakaalis na ng bansa si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
MAKI-BALITA: 'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros
Kaugnay nito, naglabas ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Huwebes ng ebidensyang namataan si Guo sa Kuala Lumpur International Airport sa Malaysia noong Hulyo 21, 2024.
MAKI-BALITA: 'May ebidensya!' Alice Guo, namataan sa Kuala Lumpur airport noong Hulyo -- PAOCC