Isang bagyo ang binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa labas ng Philippine area of Responsibility (PAR) ngayong Huwebes, Agosto 22.
Sa Public weather forecast ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, inihayag ni Weather Specialist Benison Estareja na huling namataan ang tropical storm na may international name na “Shanshan” sa layong 2,140 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pa-west southwest sa bilis na 10 kilometers per hour.
“Mananatiling malayo pa rin po ito sa ating kalupaan at walang direktang epekto sa ating bansa,” ani Estareja.
Samantala, sa kasalukuyan ay ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ang inaasahang magdadala ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din ang posibleng maranasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa PAGASA.