Nitong Agosto 13 hanggang Agosto 21 nga ay sinimulan na ng University Athletics Association of the Philippines (UAAP) ang kauna-unahan nitong Esports tournament mula nang magsimula ito noong 1938.
Ang ESport tournament ay nahati sa tatlong events: Valorant, NBA2K at Mobile Legends: Bang Bang na ginanap sa Hyundai Hall Arete, Ateneo De Manila University.
Sa unang bahagi ng torneo, wagi ang De La Salle Viridis Arcus sa Valorant competition ng talunin ang University of Santo Tomas Teletigers sa grand finals.
Wagi rin sa sarili nitong homecourt si Paolo Medina ng Ateneo para sa NBA2K tournament matapos kumawala sa dikit na laban kontra DLSU.
Kinumpleto naman ng University of the East Zenith Warriors ang listahan ng kampeonato sa liga nang pataobin ang Teletigers Esports Club ng UST. Sa panayam ng host sa kanilang koponan, humirit ng scholarship ang grupo sa kanilang school management: “UE, baka naman,” sabay dagdag ng “Pa-scholarship naman diyan.”
Samantala, sa susunod na buwan Setyembre 7, 2024 nakatakdang buksan ang season 87 ng liga na may temang “Stronger, Better, Together” na pangungunahan ng University of the Philippines bilang tournament host.
Kate Garcia