Nasa kustodiya na ng immigration office ng bansang Indonesia ang dalawang kasama ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.
Ayon kay Abalos nitong Huwebes, Agosto 22, natanggap umano nila ang naturang ulat mula sa Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ng gabi, Agosto 21.
Base naman sa ulat ng GMA News, kasama sa dalawang naka-detain ngayon sa Indonesia si Cassandra Lee Ong na iniuugnay kay Guo at sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na Lucky South 99.
Samantala, hindi binanggit ng DILG chief ang dahilan ng pagkaharang sa naturang dalawang kasama ng tinanggal na alkalde.
Matatandaang noong Lunes, Agosto 19, nang isiwalat ni Senador Risa Hontiveros na nakaalis na ng bansa si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
MAKI-BALITA: 'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros
Bukod sa pagdawit sa kaniya sa na-raid na POGO sa Bamban, pinagsususpetsahan din si Guo na isa umanong Chinese national, kung saan isiwalat ni Hontiveros kamakailan na kinumpirma na ng NBI na iisa lamang si Guo at ang Chinese national na si “Guo Hua Ping.”
MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros
Noon lamang namang Agosto 13 nang mag-isyu ang Ombudsman ng dismissal kay Guo sa serbisyo matapos itong hatulang “guilty” ng grave misconduct.
MAKI-BALITA: Alice Guo, tinanggal na sa pagiging mayor ng Bamban, Tarlac
KAUGNAY NA BALITA: BACKTRACK: Saang mga bansa na raw naglagalag si Alice Guo matapos tumakas?