May sagot si PBA vice-chairman sa Alfrancis Chua sa mga umaayaw sa pagpapatupad ng bagong 4-point shot ngayong 49th season ng PBA Governor’s Cup.
“It’s only a line. Eh di wag n'yo gamitin. Linya lang ‘yon eh. Hindi naman sinabi na sa isang quarter, kailangan tumira kayo ng tatlong beses diyan. Wala naman ganun eh,” giit ni Chua.
Matatandaang nitong Linggo, Agosto 18 sabay sa opening ng Governor’s Cup nang unang inimplement ang 4-point shot na may 27 feet marker. Ayon pa kay Chua, hindi lang daw ito basta pakulo kundi isang paraan para mas mapaganda pa ang liga.
Naging hati ang opinyon dito ng PBA fans dahil ito ang unang beses na inilapat ito sa PBA court bilang official rule sa liga. Naunang ipakilala ng PBA board ang naturang 4-point shot sa kinaaliwang All Star game kung saan bumida si Robert Bolick na tumira mula sa 4-point line na siyang tumabla sa Team Japet 140-140.
Samantala, mistulang kumasa naman dito si Meralco Bolts Chris Banchero na siya ngang trending ngayon bilang kauna-unahang PBA player na nagpakawala ng tira mula sa 4-point line. Sa panayam ng One Sports kay Banchero, hindi naman daw siya nahirapan sa adjustment kahit na mas malayo ito nang bahagya sa 3-point line noong last conference.
Tila nagkasundo rin naman ang pahayag ni Banchero at PBA Vice chairman Al Chua na malaki ang maiaambag ng 4-point shot lalo na sa mga dikdikang laban kung saan dalawa hanggang tatlo lang ang lamang ng magkatunggaling koponan.
“Sa actual game, down by three, ewan ko kung hindi nila gagamitin ‘yun. Gagamitin ‘yan. Imagine mo, you are down by three, puwede ka pa manalo,” saad pa ni Chua.
Sa hiwalay na interview pa rin ng One Sports kay Banchero sinabi niyang, “Four points could push you back in the game, we were only up by four points so they could have hit one and gave it a chance, so you know it’s fun playing with those line.”
Kate Garcia