November 22, 2024

Home FEATURES Trending

Estudyanteng naputulan ng paa dahil sa sakit, pumapasok sa paaralan nang nakabisikleta

Estudyanteng naputulan ng paa dahil sa sakit, pumapasok sa paaralan nang nakabisikleta
Photo Courtesy: Screenshots from Hannah Jill R. Bato (FB)

Tila naantig ang puso ng mga netizen sa viral video ng isang estudyanteng putol ang kaliwang paa na araw-araw umanong nagbibisekleta papunta sa paaralan nito.

Sa Facebook post ni Hannah Jill R. Bato kamakailan, matutunghayan sa nasabing video ang paghanga niya sa taglay na sipag at sigasig ng estudyante na nakilala sa pangalang “Yuan Almase,” grade 8 student.

“Ang galing niya, o. Nakakabilib. Kudos sa 'yo, Kuya. Mag-aral kang mabuti!” saad ni Hannah.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Hannah, napag-alamang sa bandang Marikina raw niya nakita si Yuan.

Trending

Estudyante sa Thailand, naipit ulo sa railings kasusulyap kay 'Crush'

“Na-amaze po ako sa kaniya. Matagal din namin siyang nakasabay sa kalsada. Tapos no’ng medyo nagkalapit kami ng lane, do’n ko na po naisip na videohan siya para magsilbing inspiration din po sa viewers ko. Mahilig po kasi ako mag-film at baka sakaling makita ko pa siya ulit,” kuwento ni Hannah.

Samantala, sa isang hiwalay na post, ibinahagi ni Hannah ang video ng pag-uusap nila ni Yuan sa pamamagitan ng video call matapos mag-viral ang video nito.

Ayon kay Hannah, survivor umano si Yuan ng bone cancer at gusto raw nitong magkaroon ng prosthetic leg para makatulong sa pamilya. 

“Kinakailangan niya pa po muna magkaroon ng therapy session bago po siya tuluyan na makabitan po. Ang sinabi niya po sa aming amount na magagastos ay nasa 30k-40k po,” dagdag pa niya.

Pero bago pa man maputulan ng paa, dati na raw talagang siklista si Yuan. 

“2022 po nang maputulan siya,” ani Hannah.

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, nakalikom na umano ng  ₱34,000 na donasyon para sa nasabing estudyante. Bukod dito, may nag-offer din daw na clinic na gawing libre ang prosthetic leg niya.

“‘Yong naipon namin imbes na pambili sana ng prosthetic leg ay magiging cash niya po. Nasa kanila po [ang] desisyon kung ano ang ibibili nila gamit ang pera na ‘yon,” sabi ni Hannah.

Nagpaabot naman si Hannah ng mensahe para sa iba pang kabataan. Aniya: “Lagi n’yong pahahalagahan at ingatan kung anong mayr’on kayo dahil hindi tulad n’yo na lahat ay kumpleto ang pangangatawan, o kumpleto ang pamilya.”

“Sipagan n’yo pang mag aral. Tiyak magiging proud ang parents n’yo. Laban lang!” pahabol pa niya.

Para naman sa mga nais pang mag-abot ng tulong para kay Yuan, maaaring ipadala sa Gcash number na ito sa ilalim ng pangalang Hannah Jill Bato: 09949315900. Puwede ring makipag-ugnayan sa Facebook account ni Yuan at sa numerong +63 991 127 8946.