Naglabas ng reaksyon si Ka Leody De Guzman tungkol sa nangyaring iringan nina Vice President Sara Duterte at Senador Risa Hontiveros sa Senate hearing kamakailan.
Matatandaang nagtanong si Hontiveros tungkol sa ipinamamahaging librong sinulat ni Duterte, at kung tungkol saan daw ito.
“Tell us more about the book ‘Isang Kaibigan’ at ilang kopya nito ang bibilhin ng gobyerno sa halagang P10 milyon, at idi-distribute?” tanong ni Hontiveros.
Sinabi ni Duterte na ang naturang katanungan umano ay isang kaso ng pamomolitika sa national budget.
BASAHIN: VP Sara, Sen. Risa nagkairingan; hindi maintindihan ugali ng isa't isa
Samantala, sinabi ni De Guzman na hindi naman daw pamumulitika ang pagtatanong tungkol sa libro. Dagdag pa niya, interesado raw siya tungkol sa isang kaibigang umubos ng ₱125 milyong budget sa loob lamang ng 11 araw.
"Hindi naman pamumulitika ang tanong sa laman ng libro. Interesado rin ako kung tungkol ito sa isang kaibigang umubos ng P125 milyon sa loob lamang ng 11 days," aniya.
Para naman sa kaniya, ang naturang sagutan ng dalawang opisyal ay "pasilip" sa klase ng debate sa 2028 elections.
Narito ang buong pahayag niya:
"Mga usaping personal at personalidad. Hindi plataporma kung paano aaksyunan ang mga kahilingan ng masang Pilipino para sa price control, wage increase, regular jobs, full employment, social services gaya ng housing, education, and health, pagtugon sa climate-related disasters, at sa kapayapaan sa West Philippine Sea at sa Southeast Asia," ani De Guzman.
"Kung ang susunod na presidential elections ay debate ng katwiran, at aakyat ang senadora para sa pagkapangulo, walang duda na lalampasuhin ni Sen. Risa si VP Sara (at kahit si HS Martin Romualdez).
"Subalit hindi ganito ang pagpapanalo sa klase ng halalan sa bansa, ito ay paramihan ng mga alyadong trapo sa local government na tagamobilisa ng boto. Bilangan din ito ng napakagastos na TV/radio/socmed advertisements, billboards, at tarpaulins para sa “voter awareness”.
"Kailangan ng political and electoral reforms sa lehislatura at sa Comelec upang tiyakin ang malinis, maayos, mapayapa, at demokratikong halalan upang magkaroon ng tsansang manalo ang mga kinatawan ng masa at ang kanilang mga plataporma ng pagbabago laban sa mga elitistang trapo at kanilang bulok na pulitika," buong pahayag ni De Guzman.
Matatandaang noong nakaraang taon, kinumpirma ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na nagastos ng Office of the Vice President (OVP), sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, ang ₱125-million confidential funds noong 2022 sa loob ng 11 araw, mas maikling panahon kaysa sa naunang naiulat na 19 araw.
BASAHIN: ₱125-M confidential funds ng OVP, ginastos sa loob ng 11 araw – Quimbo