November 22, 2024

Home BALITA National

Hontiveros, kinuwestiyon ang ₱2 bilyong budget na hinihiling ng OVP

Hontiveros, kinuwestiyon ang ₱2 bilyong budget na hinihiling ng OVP
Photo Courtesy: Risa Hontiveros, Inday Sara Duterte (FB)

Kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros si Vice President Sara Duterte sa ₱2 bilyong budget na hinihiling nito sa Office of the Vice President (OVP) para sa darating na 2025.

Sa ginanap na budget hearing nitong Martes, Agosto 20, inusisa ni Hontiveros si Duterte hinggil sa programang paglalaanan ng ₱1.909 bilyon para sa socio-economic program tulad ng medical assistance, burial assistance, food and livelihood assistance.

“May ginagawa bang studies para suportahan ‘yong pagkakaroon ng ganitong programs na parallel naman sa katulad at existing programs ng iba’t iba nating line agencies?” tanong ni Hontiveros.

“No’ng pumasok po kami sa Office of the Vice President tiningnan po namin ang mga pinakamaraming request ng ating mga kababayan,” sagot ni Duterte.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“Unang-una po, ang lagi po naming natatanggap na request ay medical and burial assistance. Pangalawa po ay financial assistance. Pangatlo, lagi silang humihingi ng tulong sa pagkain. At pang-apat […] sa tally ng mga request ‘yong educational assistance. At ang panghuli naman ang lagi naming natatanggap na request galing sa ating mga kababayan ay kapag sila ay naging biktima ng disaster,” aniya.

Dagdag pa ng bise-presidente, bagama’t totoo umano na mayroon nang katulad na programa ang ibang local government units at national government agencies sa programang paglalaanan ng budget ng kaniyang opisina, hindi raw niya maaaring hindian ang hiling ng taumbayan.

“No’ng ako ay umupo as Vice President I took an oath and do’n sa oath I said that will do justice to every man. So hindi po kami puwedeng humindi sa mga tao na humihingi ng tulong,” saad pa ni Duterte.

Pero sa huli, matapos maghayag ng suporta ang mayorya ng senado sa inihaing budget ni Duterte, idineklara ni Senador Grace Poe ang pagsusumite nito sa plenaryo.

“The budget of the Office of the Vice President is now deemed submitted to plenary,” saad niya.

Matatandaang nagkaroon ng iringan sa pagitan nina Duterte at Hontiveros sa nasabi ring pagdinig nang tanungin ng huli ang tungkol sa libro umano ng bise-presidente na ipapamahagi nito.

MAKI-BALITA:  VP Sara, Sen. Risa nagkairingan; hindi maintindihan ugali ng isa't isa