Nagbigay ng reaksiyon ang dating senador na si Leila De Lima sa pinag-usapang "tarayan" nina Vice President Sara Duterte at Sen. Risa Hontiveros sa isinagawang budget hearing nitong Martes, Agosto 20, sa senado.
Ibinahagi ni De Lima sa kaniyang X account ang video clip ng nagkainitang sina VP Sara at Sen. Risa, na napaulat ng isang news outlet.
"Parang hindi public official itong VP na ito. Feeling royalty talaga," caption ni De Lima.
Sa video ay mapapanood naman ang mainit na palitan ng mga salita ng dalawang opisyal, matapos magtanong ng senadora kung tungkol saan ang aklat na nais budgetan ng ₱10M ng Office of the Vice President (OVP) para sa pagpapalimbag at ipamahagi sa mga bata.
"This is an example of politicizing the budget hearing through the questions of a senator. Ang problema niya kasi, nakalagay ‘yung pangalan ko doon sa libro, at 'yung libro na 'yan ibibigay namin doon sa mga bata. At 'yung mga bata na 'yan may mga magulang na boboto, at 'yong pangalan ko ay nagkalat doon sa kung saan man ibibigay 'yung libro,” giit ni Duterte.
Sinabi rin ng bise presidente na papadalhan nila ng kopya ng libro ang lahat ng dumalo sa nasabing pagdinig. Agad namang sinansala ng senadora ang mga pahayag ni VP Sara.
“Hindi ko maintindihan 'yong ugali ng ating resource person. It is a simple question, paulit-ulit na 'This is politicizing.' Ang VP ang nagbanggit ng salitang 'boboto’, wala akong sinabing 'boboto.' I'm simply asking,” sagot naman ni Hontiveros.
“Hindi ko ma-imagine, we're making so much trouble, so much fuss about a ₱10-million item na itinatanong ko lang, simpleng ‘What is the book about?' at ilang kopya ang bibilhin ng gobyerno sa halagang ₱10 million at idi-distribute. I don’t appreciate this kind of attitude,” saad pa niya.
Muli namang bumuwelta si Duterte at sinabing hindi rin umano niya maintindihan ang ugali ni Hontiveros, saka binanggit ang nangyari umano noong eleksyon noong 2016.
“Hindi ko rin maintindihan ang ugali ni Senator Risa Hontiveros. And I do not appreciate this kind of behavior and attitude,” saad ni Duterte.
“Noong 2016, tumatakbo si Senator Risa na senator, nakailang talo na siya, dalawa. Natatakot siya sa pangatlong talo niya kaya pumunta siya sa Davao, humingi siya ng tulong sa isang kagawad ng Davao. Humingi siya ng tulong sa akin thinking na hindi mananalo si Pangulong Rodrigo Duterte… Sabi ko sa kaniya, ‘Sige tutulungan kita.’,” ani Duterte.
Nang tulungan naman umano niya si Hontiveros at manalo itong senador noong naturang eleksyon, nagulat daw siyang ang senadora ang pinakaunang umatake sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Noong nanalo siya, anong ginawa niya? Siya ang pinakaunang umatake kay President Rodrigo Duterte. Anong tawag sa ugaling ganito?” saad ni Duterte.
MAKI-BALITA: VP Sara, Sen. Risa nagkairingan; hindi maintindihan ugali ng isa't isa
Samantala, ibinalik naman ni Senador Grace Poe, chairperson ng naturang pagdinig, ang usapin tungkol sa libro, at doon na sinagot ni Duterte na tungkol ito sa pagkakaibigan.
Matatandaang si De Lima ay isa sa mga kritiko ni dating Pangulong Duterte, at kakalaya lamang mula sa piitan nitong 2024 matapos mabilanggo at masangkot sa isyu ng ilegal na droga, sa panahon ng administrasyon ng dating pangulo.