MATAPOS ANG HALOS 3 TAON, NAKAMIT NA ANG HUSTISYA!
Hindi man sapat para sa kaniya pero nagpasalamat si Lovella Orbe Maguad, ina ng Maguad siblings, dahil matapos ang halos tatlong taon ay nakamit nila ang hustisya para sa kaniyang mga anak na karumal-dumal na pinatay.
Nito lamang Hunyo, ibinalita ni Lovella na nakamit na nila ang hustiya para sa kaniyang mga anak na sina Crizzle Gwynn at Crizville Louis "Boyboy" Maguad.
"We won mga langga at sa lahat na nagmamahal kina Ate Gwynn and Boyboy!" panimula ni Lovella sa kaniyang Facebook post.
"At last, the perpetrator Esmeraldo Canedo, Jr. who is now turning 20 in August 2024 will finally serve his sentence for a minimum period of 22 years prison mayor and a maximum period of 37 years Reclusion Temporal.
"For now, it provides me comfort for saving your papa's soul. I am thankful but not happy of the two-year battle with the PAO lawyer, social workers who never spared you/us fair treatment," saad ng ina ng Maguad siblings.
"[...] Alam ko it's not enough pa. I could still feel these pain and I don't understand what other message and action God wants us to realize and do. The fight for justice pushed us to our limits, threatening to entirely consume us but we held on to our values and belief. Belief na magkikita pa tayong muli."
Bukod kay Canedo, nauna na raw sa kulungan ang isa pang suspek na si Janice--ang adopted daughter umano ng mag-asawang Maguad.
Ayon kay Lovella, makukulong si Janice ng 27 taon hanggang 34 na taon.
Kung babalikan, ano nga ba ang nangyari sa Maguad siblings?
Disyembre 10, 2021: Pinatay sina Crizzle Gwynn, 18, at Crizville Louis, 16, sa loob mismo ng kanilang bahay sa Barangay Bagontapay, M'lang North Cotabato pasado ng alas dos ng hapon.
Narekober sa crime scene ang duguang damit ng mga suspek sa likod ng bahay at kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa magkapatid.
Samantala, nakaligtas naman ang kanilang kasama sa bahay na kinikilala sa pangalan na "Janice," na nakapagtago pa umano sa loob ng silid kung kaya't nakapag-post pa sa kanyang Facebook upang humingi ng tulong.
BASAHIN: 2 anak ng principal, dedo sa saksak at martilyo
Dahil si Janice lang ang huling nakasama ng magkapatid at ang tanging nakaligtas, naging isa siya sa mga persons of interest. Dinala siya sa Social Welfare and Development Office sa M'lang, North Cotabato dahil siya ay menor de edad.
Mas tumindi pa ang rebelasyon dahil ayon sa ama ng magkapatid na si Cruz Maguad, umamin daw mismo si Janice na pinatay niya at ng kasabwat niya ang magkapatid dahil sa selos at inggit kay Crizzle Gwynn.
"According sa narinig naming confession niya [Janice], is nagseselos daw talaga siya kay Gwynn--naiinggit siya kay Gwynn. So kaya nga galit na galit siya kay Gwynn dahil gusto niyang kunin talaga ang place ni Gwynn," ani Cruz.
Isang working student si Janice at ang mismong si Crizzle Gwynn ang nag-udyok sa kanyang mga magulang na patirahin ito sa kanilang bahay. Parang tunay na magkapatid ang naging turingan ng isa’t isa.
Gayunman, noong panahong ito, hinahanap ng pulisya ang kasabwat ni Janice sa pagpatay.
BASAHIN: 'Dahil sa selos at inggit?' pumatay sa Maguad siblings, adopted daughter ng pamilya
Ayon naman kay Lovella, inalagaan ng kaniyang anak si Janice at itinuring niya ito bilang tunay na kapatid. Ibinigay rin umano ni Crizzle Gwynn ang pangangailangan ni Janice at sinuportahan nila ito.
Kaya hindi rin matanggap ni Lovella na nagawa iyon ni Janice.
BASAHIN: 'She's nice and respectful' ina ng Maguad siblings, nagkwento tungkol kay 'Janice'
Sa patuloy na imbestigasyon sa pagpatay sa Maguad siblings, sinabi ni Lovella na isang sakristan na nagsisilbi sa simbahan ang isa pang umanong suspek sa pagpatay sa kanyang mga anak.
BASAHIN: Sakristan, isa pang 'suspek' sa 'pagpatay' sa Maguad siblings
Dahil sa nangyari sa mga anak, napagtanto ni Lovella kung gaano kahirap makakuha ng hustisya rito sa bansa.
"Sa simula pa lang ng pag-uusad ng kaso mahirap na at habang tumatakbo ang mga araw lalong sumisikip ang dibdib at tumitindi ang kirot at sakit na maramdaman namin. Na kahit ano man ang pilit intindihin at kahit anong meaningful ang ginawa psychosocial therapy ay hindi pa rin maibsan," saad ng nagdadalamhating ina.
Dagdag pa niya, ang pinakamasakit sa parte nila ay marinig ang "confession" kung paano pinahirapan ng mga suspek ang magkapatid na Maguad.
Bukod sa mahaba at nakakapagod ang paghahanap ng hustiya at paghahain ng kaso, magastos din daw ang proseso.
Kaya naman nagsagawa ng donation drive ang malalapit na kaibigan ng Maguad siblings.
Ayon kay Kenneth Cadagat, isa sa mga malalapit na kaibigan ng Maguad siblings, ilan sa umano'y gagastusin ng pamilya ay ang abogado, psychotherapy, at transportasyon dahil halos araw-araw bumibiyahe sina Cruz at Lovella para sa mga kailangang asikasuhin.
BASAHIN: Mga malalapit na kaibigan ng Maguad siblings, humihingi ng tulong para sa Pamilya Maguad
Sa tingin mo, sapat ba ang 22 hanggang 37 taon na pagkakakulong ng mga suspek sa ginawa nilang pagpatay?