“Nakakagalit” para kay human rights lawyers Atty. Chel Diokno ang isiniwalat ni Senador Risa Hontiveros na nakaalis na umano sa Pilipinas si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Matatandaang nitong Lunes, Agosto 19, nang isapubliko ni Hontiveros na nakaalis na ng bansa si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
MAKI-BALITA: 'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros
Kaugnay nito, sa isang pahayag ay kinuwestiyon ni Diokno kung bakit umano nakapuslit pa rin si Guo kahit nasa “watchlist” na ito.
Matatandaang noong Hulyo 13, 2024 nang maglabas ang Senado ng arrest order laban kay Guo dahil sa hindi nito pagdalo sa mga pagdinig ng Senate committee noong Hunyo 26, 2024 at Hulyo 10, 2024, kaugnay ng na-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Bamban.
MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo
“Gino-Guoyo na talaga tayo. Nakagagalit. Nasa watchlist na nga, pero nakapuslit pa rin. Dapat managot ang mga nagpatakas sa kanya,” ani Diokno.
“Hindi lang POGO ang isyu rito- kundi pati seguridad ng bansa, at kakayahan ng mga awtoridad na ipatupad ang batas,” saad pa niya.
Samantala, matatandaan namang matapos ang naturang pahayag ni Hontiveros, iginiit ni Atty. Stephen David, abogado ng tinanggal na alkalde, na nasa Pilipinas pa rin daw talaga ito.
"Assurance naman niya sa akin nandito naman siya,” ani David.
MAKI-BALITA: 'NASAAN BA TALAGA?' Alice Guo, nasa Pilipinas pa rin
Base naman sa pahayag ng Bureau of Immigration (BI), maaaring nakalabas talaga ng bansa si Guo ngunit sa pamamagitan umano ng “ilegal” na paraan at hindi dumaan sa kinakailangang proseso ng Philippine immigration authorities.
“We received intelligence information from our counterparts abroad that Guo illegally left for Malaysia then flew to Singapore,” ani BI Commissioner Norman Tansingco sa isang pahayag nitong Lunes ng gabi.