December 23, 2024

Home FEATURES

BALITAnaw: Sino nga ba ang ina nina Crispin at Basilio na nabaliw sa Noli Me Tangere?

BALITAnaw: Sino nga ba ang ina nina Crispin at Basilio na nabaliw sa Noli Me Tangere?
Photo Courtesy: GMA Network

Marami ang nalungkot at nadismaya sa sagot ng singer-actress na si Sheena Belarmino sa game show na "Rainbow Rumble" hosted by Luis Manzano sa ABS-CBN kamakailan.

Sa nasabing game show ay naitanong ni Luis kay Sheena kung sino ang nanay nina Crispin at Basilio na karakter sa klasikong nobela ni Dr. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere.

"Sasa," sagot ni Sheena sa halip na "Sisa."

Pero higit pa sa pangalan, mahalagang malaman din ng mga tao ang kuwento sa likod ng karakter ni Sisa sa nasabing nobela.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Masasabing si Sisa ay representasyon o simbolo ng mga babaeng napatid ang katinuan dahil sa pang-aabuso at pagmamalupit sa kanila ng lipunan mula noong panahon ng pananakop hanggang sa kasalukuyan. Ilang beses na siyang naitampok sa mga adaptasyon tulad ng serye, pelikula, at dula.

Matatandaang noong 2022 ay lubos na hinangaan ng mga manonood si Kapuso actress Andrea Torres dahil sa mahusay niyang pagganap bilang Sisa sa seryeng “Maria Clara at Ibarra” ng GMA Network.

MAKI-BALITA: 'Sasabog ang puso ko!' Akting ni Andrea Torres bilang 'Sisa', puring-puri ng netizens

Sa Noli, may isang nakalaang kabanata para kay Sisa na nakapangalan mismo sa kaniya—ang kabanata 16. Dito ay ipinakilala siya ni Rizal bilang asawa ng isang walang pusong lalaki. Narito ang sipi mula sa nobela:

“Asawa ng isang walang pusong lalaki, nagsisikap siyang mabuhay alang-alang sa mga anak habang palaboy-laboy at nagsasabong ang bana. Winaldas nito sa bisyo ang ilang piraso ng alahas ng babae, at nang wala nang maitustos ang matiising si Sisa sa mga kapritso ng bana, noon nagsimula ang pagmamalupit nito sa kanya.  Mahina ang loob, higit na malaki ang puso kaysa isip, umibig lamang at umiyak ang alam niya.  Para sa kaniya, isang diyos ang bana at mga anghel ang mga anak.”

Nagsimula ang matinding pagdurusa ni Sisa nang matuklasan niyang pinagbintangan umanong magnanakaw ang bunso niyang anak na si Crispin at ang muntik na kamatayan ni Basilio. Dahil dito, nabansagan tuloy siyang ina ng magnanakaw.

Hindi natapos ang abusong naranasan ni Sisa sa loob ng tahanan. Inalipusta siya ng mga gwardiya-sibil dahil sa akusasyon ng lipunan sa kaniyang anak. Bukod dito, napagdiskitahan din siya ni Doña Consolacion.

Pinasayaw nito si Sisa sa harap ng maraming tao. Pinapalo siya kapag tumigil. Dahil sa ganitong trato, muntik na umano siyang mamatay ayon sa nobela.

Hanggang sa isang araw, nakita na lang ng taumbayan si Sisa na pagala-gala, pangiti-ngiti, pakanta-kanta, at nakikipag-usap sa lahat ng nilalang ng kalikasan.

At dahil ang Noli Me Tangere ay itinuturo sa klase—partikular sa Grade 9, hindi tuloy maiwasang pagtalunan ng mga mag-aaral kung si Sisa nga ba ay isang ulirang ina dahil sa pagiging martir niya o ang pagiging martir niya ang dahilan kung bakit siya nasadlak sa lugmok na kalagayan.

Pero ano’t anoman, isa lang ang sigurado: hinahamon ng nobela ni Rizal ang bawat henerasyon na kumilos upang lumikha ng isang lipunang sibilisado kung saan wala nang Sisa pang maabuso.