Sinagot ni Pasig City Councilor at “Pulang Araw” cast Angelu De Leon matapos siyang batikusin dahil sa pamimigay umano niya ng kakaunting gulay sa constituents niya.
Sa latest Facebook post ni Angelu nitong Martes, Agosto 20, sinabi na ang ginawa raw niyang community pantry noong kaarawan niya ay isang paraan ng pagsusukli at pagpapasalamat sa kaniyang mga nasasakupan.
“Hi. I do my yearly birthday community pantry as a way of giving back and being grateful to my constituents. Personal ko po ito. Nahiya naman ako na hindi ito sapat para sayo. Pero I guess hindi ka naman taga-Pasig. I will promote Pulang Araw because I am proud of our show,” pahayag ni Angelu.
“Meron pa hong putol na upo kasi hindi ko kaya mag bigay ng buo. Pinuputol namin para meron ang lahat. May talong, ampalaya at okra din,” aniya.
Dagdag pa niya: “Ang mahal na pala talaga ng gulay ngayon. Hindi talaga aabot ang 64 pesos sa isang masustansyang meal per day.”
Matatandaang kumalat sa social media ang isang video clip kung saan matutunghayan ang pamumudmod ni Angelu ng limang pirasong sitaw at kalahating upo.