Karumal-dumal ang nangyari sa isang 10-anyos na lalaki matapos itong pinagsasaksakin ng 22 beses ng 18-anyos na dalaga sa Taytay, Rizal nitong Lunes.
Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-12:00 ng tanghali nang maganap ang krimen sa Adhika St., Brgy. Dolores, habang naglalakad si alyas 'Archie,' 10, pauwi, galing sa paaralan.
Batay sa kuha ng CCTV camera sa lugar, makikita ang suspek na si alyas 'Michaela,' 18, na hindi mapakali sa lugar at tila may inaabangan.
Nang mag-isang dumaan ang biktima, bigla na lang siyang inatake ng suspek at kaagad na pinagsasaksak, gamit ang isang kutsilyo, sanhi upang mabuwal ito sa sementadong kalsada.
Kahit napahiga na, patuloy pa ring pinagsasaksak ng suspek ang biktima.
Nakita ng ilang testigo ang insidente kaya’t inawat nila ang suspek at saka ipinaaresto sa mga awtoridad.
Mismong ang ina naman ng biktima ang kaagad na kumarga sa anak at mabilis itong isinugod sa pagamutan upang malapatan ng kaukulang lunas.
Himalang nakaligtas ang bata at kasalukuyang naka-confine sa Rizal Provincial Hospital System dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Ayon sa pulisya, parang wala sa sarili ang suspek habang kanilang iniimbestigahan dahil paiba-iba at hindi klaro ang mga pahayag nito sa imbestigasyon.
Tinitingnan umano ngayon ng pulisya ang anggulong "inggit" ang motibo ng krimen dahil maaga umanong naulila at nawalan ng mga magulang ang suspek.
Ang suspek ay nakapiit na at mahaharap sa kasong frustrated murder na may kaugnayan sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa piskalya.