December 22, 2024

Home BALITA National

'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros

'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros
MULA SA KALIWA. Senador Risa Hontiveros at Mayor Alice Guo (Photo courtesy: Sen. Risa Hontiveros/FB)

“Para tayong ginigisa sa sarili nating mantika…”

Nakaalis na ng Pilipinas si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ayon kay Senador Risa Hontiveros.

Sa isang pahayag nitong Lunes, Agosto 19, isiniwalat ni Hontiveros na nakaalis na ng bansa si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.

“I am now in receipt of information that in fact this person was already out of the country on July 18, 2024 to Kuala Lumpur, Malaysia. Ipapakita ko po ang dokumentong ito, bilang patunay na pumasok sa Malaysia si Alice Guo,” ani Hontiveros.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

“Siya po ay pumasok ng 12:17:13 ng July 18,” dagdag niya.

Ipinakita rin ng senadora ang kopya ng dokumentong nagpapakita ng mga detalye ng pag-alis ni Guo sa bansa.

Patuloy naman daw ang pag-track ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kinaroroonan ng natanggal na alkalde ng Bamban.

Dagdag ng senadora, inihayag daw ng isa pa niyang source na tumuloy si Guo sa Singapore kung saan sila nagkita-kita ng kaniya raw mga magulang na sina Lin Wen Yi at Guo JianZhong. 

“The couple flew in from China on July 28, 2024. Mistulang reunion sila doon kasama si Wesley Guo at si Cassandra Ong,” ani Hontiveros.

Kaugnay nito, kinuwestiyon ni Hontiveros ang mga opisyal ng pamahalaan kung sino umano ang pumayag na makaalis si Guo sa Pilipinas dahil hindi naman daw niya ito magagawa kung walang tumulong sa kaniya.

“Who allowed this travesty to happen? Sino ang may kagagawan nito? Hindi makakaalis si Alice Guo kung walang tumulong sa kanya na mga opisyales ng pamahalaan. Para tayong ginigisa sa sarili nating mantika,” giit ni Hontiveros.

“I have always believed that legislative hearings are policy-driven kaya nung nag announce na ng ban ang Pangulo, sabi ko, we have done our jobs, let law enforcement take the lead. Pero paano kung ang law enforcement mismo ang kelangan imbestigahan? What if they dropped the ball? Paano kung sila ang dapat managot? Nangako ang BI sa akin at sa Senate President Pro Tempore na hindi nila hahayaan si Guo Hua Ping na makaalis sa Pilipinas, eh yun pala ay wala na talaga siya.”

“Kung hindi po natin ito gawan ng paraan, as an institution, as a country, parang nagpasampal tayo sa dayuhang ito na paulit ulit na sinasaula ang ating mga batas, patakaran at proseso,” saad pa niya.

Matatandaang idinadawit si Guo sa na-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Bamban.

Bukod dito, pinagsususpetsahang din si Guo na isa umanong Chinese national, kung saan isiwalat ni Hontiveros kamakailan na kinumpirma na ng NBI na iisa lamang si Guo at ang Chinese national na si “Guo Hua Ping.”

MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros

Noon lamang namang Agosto 13 nang mag-isyu ang Ombudsman ng dismissal kay Guo sa serbisyo matapos itong hatulang “guilty” ng grave misconduct.

MAKI-BALITA: Alice Guo, tinanggal na sa pagiging mayor ng Bamban, Tarlac