Tila nagalit si Senador Jinggoy Estrada nang tumanggi ang aktor na si Sandro Muhlach na idetalye sa Senado ang umano'y dinanas niyang sexual harassment sa dalawang 'independent contractor' ng GMA Network.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media nitong Lunes, tumanggi si Muhlach na idetalye nang husto ang naranasan niya dahil "traumatized" pa siya sa pangyayari.
Ang naidetalye lang ng aktor na inabutan siya ng wine ni Jojo Nones nang pumasok siya sa kwarto at nandoon din daw si Richard Cruz.
"Nakita ko po silang dalawa. Si Richard Cruz po ay lasing na lasing na. Ang nag-aasikaso po sa akin ay si Sir Jojo, ino-offeran po ako ng wine," kwento ni Sandro.
“When Jojo offered you wine, you drank wine?” tanong ni Estrada.
“Opo, your honor,” sagot naman ng aktor.
Matapos nito, tumanggi na siyang maglahad ng detalye tungkol sa naranasan niya dahil sobrang 'sensitive' na raw nito.
"I don't know po kung pwede ko pong sabihin 'yung buong details kasi it's really sensitive," saad ni Muhlach.
"Sige na sabihin mo na," saad naman ni Estrada.
Agad na sumingit ang abogado ni Muhlach na si Atty. Czarina Raz at sinabi niyang medyo nati-trigger pa ang aktor kung ikukuwento nang buo.
"[...] Medyo nati-trigger pa po si Sandro, although nilakasan niya po talaga loob niya na magpakita po today, hindi niya po kaya talaga na dire-diretso na pag-usapan lahat ng detalye," saad ng abogado.
"Alam n'yo kapag hindi natin tatapusin 'to, hahaba nang hahaba ito. You are wasting our time here eh. Magsasalita ba kayo o hindi? Kung hindi aalis na ako rito. Magsasalita ba kayo o hindi?" tila pagalit na sabi ng Senador.
Sa huli, nagkasundo na lamang na magkaroon ng executive session.
Samantala, pina-cite in contempt ni Estrada si Jojo Nones dahil sa patuloy umano nitong pagsisinungaling kaugnay sa umano'y pangmomolestya kay Sandro Muhlach.