Nakapagsampa na umano ng kasong kriminal sa Department of Justice (DOJ) ang kampo ni Kapuso Sparkle artist Sandro Muhlach laban sa dalawang GMA independent contractors na inireklamo niya ng sexual harassment.
Sa ginanap na senate hearing nitong Lunes, Agosto 19, kinumpirma ng ama ni Sandro na si Niño Muhlach ang tungkol sa pagsasampa nila ng kaso.
“I’m doing well and I’m also happy. Medyo nakagaan-gaan na ng loob ko magmula no’ng na-file na namin ‘yong case kaninang umaga po. Galing po kami sa DOJ,” saad ni Niño.
Pero ayon sa abogado ni Sandro na si Atty. Czarina Raz, kailangan umanong magtakda ng limitasyon kung ano lang ang mga dapat pag-usapan o talakayin sa nasabing pagdinig.
“Pwede ho nating pag-usapan kung ano po ‘yong isinampa naming criminal charges. Pero po sa mismong mga nitty-gritty details po, ‘wag po muna kasi hindi pa po natatanggap ng kabilang kampo ‘yong aming complaints,” aniya.
Matatandaang noong Agosto ay nauna nang nagsampa ng kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) si Sandro dahil sa ginawa umano ng GMA independent contractors sa kaniya.