Isa nang ganap na bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at pinangalanan itong “Dindo,” ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Agosto 19.
Ang bagyong Dindo ang ikaapat na bagyo sa bansa ngayong taon.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, iniulat ni Weather Specialist Obet Badrina na naging bagyo ang naturang LPA nitong Linggo ng gabi, Agosto 18.
Huling namataan ang tropical storm Dindo 640 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang maximum sustained winds na aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pa-hilagang-silangan, palabas ng PAR, sa bilis na 10 kilometers per hour.
“Wala namang direktang epekto itong bagyong Dindo sa anumang bahagi ng ating bansa,” ani Badrina.
Sa kasalukuyan ay ang southwest monsoon o habagat daw ang patuloy na nakaaapekto sa Extreme Northern Luzon, kung saan inaasahan itong magdulot ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes at Babuyan Islands.
Samantala, inaasahan naman daw makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.