Mariing kinondena ni dating Senador Leila de Lima ang balitang nakaalis na umano sa bansa si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Nitong Lunes, Agosto 19, nang isiwalat ni Senador Risa Hontiveros na nakaalis na ng bansa si Guo noon pang Hulyo 18, 2024, at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“This person was already out of the country on July 18, 2024 to Kuala Lumpur, Malaysia. Ipapakita ko po ang dokumentong ito, bilang patunay na pumasok sa Malaysia si Alice Guo,” ani Hontiveros.
“Siya po ay pumasok ng 12:17:13 ng July 18,” dagdag niya.
MAKI-BALITA: 'Sinong may kagagawan nito?' Alice Guo, nakaalis na ng 'Pinas -- Hontiveros
Kaugnay nito, iginiit ni De Lima na hindi umano katanggap-tanggap ang nangyaring pag-alis ni Guo sa bansa.
“Hindi ito katanggap-tanggap! Lawlessness!” pagbibigay-diin ni De Lima sa isang X post nito ring Lunes.
“Alamin at panagutin kung sino ang mga kasabwat!” saad pa niya.
Matatandaang idinadawit si Guo sa na-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Bamban.
Bukod dito, pinagsususpetsahang din si Guo na isa umanong Chinese national, kung saan isiwalat ni Hontiveros kamakailan na kinumpirma na ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisa lamang si Guo at ang Chinese national na si “Guo Hua Ping.”
MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros
Noon lamang namang Agosto 13 nang mag-isyu ang Ombudsman ng dismissal kay Guo sa serbisyo matapos itong hatulang “guilty” ng grave misconduct.
MAKI-BALITA: Alice Guo, tinanggal na sa pagiging mayor ng Bamban, Tarlac