November 23, 2024

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

'Para kang nakaginto sa Olympics!' Mga epekto 'pag nag-volunteer ka sa animal shelter

'Para kang nakaginto sa Olympics!' Mga epekto 'pag nag-volunteer ka sa animal shelter
Photo: MJ Salcedo/Balita

Sa mga animal shelter, tulad ng Animal Kingdom Foundation (AKF), matatagpuan ang iba’t ibang mga hayop na nakaranas ng mga hindi magandang bagay: pag-abandona, pananakit, at ang iba’y muntik pang humantong sa kanilang kamatayan.

Kasabay nito, sa mga animal shelter din matatagpuan ang mga indibidwal na handang ilaan ang kanilang mga oras upang kumupkop, mag-alaga, at sumagip ng buhay ng mga hayop.

Isang malaking tulong para sa mga inabandonang hayop, tulad ng mga aso at pusa sa Pilipinas na karaniwang tinatawag na aspins at puspins, ang muli silang kupkupin at bigyan ng mas magandang buhay. Pero kasabay rin nito, isa ring malaking tulong mismo para sa mga empleyado at volunteer ng animal shelter ang matulungan, at higit sa lahat, matanggap ang walang katulad na pagmamahal ng mga hayop na ito.

Sa pagdiriwang ng National Aspin Day, ibinahagi ng mga volunteer ng AKF sa eksklusibong panayam ng Balita ang mga “mala-gintong” naidudulot ng pagtulong sa mga inabandonang aspin sa kanilang mga personal na buhay.

Kahayupan (Pets)

Mga alagang hayop, huwag pabayaan sa gitna ng pananalasa ng bagyong Pepito – PAWS

Loreit Visto, 7 taong volunteer at kasalukuyang admin officer ng AKF

Ayon kay Visto, nagsisilbing role model ang mga nasagip nilang mga aspin dahil sa kabila ng mga hindi maganda nilang karanasan, nananatili silang mabuti at malambing sa mga tao.

“Tulad ng mga pinapa-adopt natin ngayon, they have been victims of cruelty. Pero they are still kissing the person, they are still hugging another person, in spite ng mga naranasan nila sa buhay nila na cruelty. So they’ve been an inspiration for me and for the volunteers of AKF that everytime, every life is a chance,” ani Visto.

Sheila Roxas, 3 taong volunteer ng AKF

Ibinahagi ni Roxas na malaking tulong sa kaniya ang pagiging volunteer ng AKF at pagtulong sa mga inabandonang aso, lalo na raw pagdating sa emosyonal na aspeto.

“Nakaka-heal sila emotionally. Kapag merong stress out of work, emotional, nakaka-heal sila sa akin,” saad ni Roxas.

Lani Puri, 4 taong volunteer ng AKF

Inihayag ni Puri na dalawang bagay ang naitutulong sa kaniya ng pag-volunteer sa animal shelter: mas pinasisigla nito ang kaniyang passion sa pagtulong sa komunidad lalo na sa mga hayop at nabibigyan siya nito ng “sense of purpose.”

“Kapag ikaw ay nagtatrabaho Monday to Friday, 8 AM to 5 PM, you’ve been like basic corporate slave. But during the weekends, when you do something like this, it gives your life purpose, na ang buhay ay hindi lamang sa pagtatrabaho, sa pera, sa career. But when you volunteer for AKF and you help these animals, it gives your life more purpose,” ani Puri.

LJ at CJ Cipriaso, 1 taong volunteer sa AKF

Para sa mag-asawang sina LJ at CJ Cipriaso, nakatutulong sa kanila ang pagvo-volunteer sa AKF at pagtulong sa mga inabandonang hayop para mas magkaroon sila ng awareness at compassion. Ito rin daw ang dahilan kaya’t nag-ampon din sila ng dalawang aspins mula sa na-rescue sa animal shelter.

“Mas nagiging aware kami sa plight nila. Mas ‘yung awareness and ‘yung desire to help,” ani CJ.

“Fulfillment talaga. We never thought na mai-involve kami sa ganitong klase advocacy, na ganitong mga klaseng dogs, kami ‘yung nagiging boses nila,” saad naman ni LJ.

Aleli Alvarez, 2 taong volunteer ng AKF

Ibinahagi ni Alvarez na malaking tulong sa kaniya ang paggugol ng kaniyang oras sa pag-volunteer sa AKF dahil sa pamamagitan daw ng unconditional love ng mga hayop doon ay naturuan siya ng mga ito ng mas malalim na depinisyon ng pag-ibig.

“Tinuruan nila ako kung paanong mas magmahal pa at mas humaba pa ‘yung pasensya ko,” ani Alvarez.

Diane Acuin, 4 taong volunteer ng AKF

Ayon kay Acuin, fulfillment at saya ang naidudulot sa kaniya ng pag-volunteer sa AKF lalo na raw kapag mayroong mga hayop sa shelter na tagumpay nilang napapa-adopt at natutulungang magkaroon ng bagong tahanan.

“Kapag na-a-adopt sila, sobrang saya kasi natulungan namin silang magkaroon ng sariling home,” saad ni Acuin.

Emz, 1 taong volunteer ng AKF

Para kay Emz, tinuruan siya ng kaniyang karanasan sa pag-volunteer sa animal shelter para mas maging compassionate sa mga hayop at maging sa ibang tao.

“Nakatutulong ito para mas maging compassionate talaga ako. Kasi I believe kasi na kapag compassionate ka sa mga animals, mas magiging compassionate ka rin sa ibang tao,” saad ni Emz.

Taong 2021 nang ideklara ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang Agosto 18 kada taon bilang National Aspin Day upang bigyang-pagkilala at halaga ang mga asong Pinoy o mas kilala bilang “aspin.”

Kaugnay nito, nanawagan ang AKF sa publiko na mag-adopt mula sa nasa 300 na aso at pusa sa kanilang shelter upang magkaroon daw muli ng mas maraming space sa kanilang compound para sa mga mare-rescue pa nilang mga hayop na nangangailangan ng tulong.

Happy National Aspin Day!