Patuloy pa ring nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa Extreme Northern Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Agosto 18.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magdadala ang habagat ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes at Babuyan Islands.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan namang magdadala ang localized thunderstorms ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Posible rin daw ang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Inihayag din ng PAGASA na nakalabas na ng Philippine area of responsibility ang binabantayan nitong low pressure area (LPA), kung saan wala raw itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.