“Adopt, don't shop!”
Sa pagdiriwang ng National Aspin Day, personal na nakapanayam ng Balita ang ilang mga nag-adopt ng aspin (asong Pinoy) at puspin (pusang Pinoy) sa Animal Kingdom Foundation (AFK), kung saan ibinahagi nila ang kahalagahan ng pag-ampon at pag-aalaga ng mga hayop sa kanilang buhay.
Ena Kim Rescobillo, 27, Laguna
Si Rescobillo ang nag-ampon kay Riz, ang pusang na-rescue raw ng AKF mula sa University of the Philippines (UP) Balay.
Kuwento niya sa Balita, naranasan na niyang bumisita sa shelter ng AKF dahil sa outside work activity ng kompanyang pinagtatrabahuhan niya sa Maynila.
“Doon ko na-meet ‘yung rescue dogs nila. Tapos na-open ng mama ko na mag-adopt kami ng pusa, kaya na-suggest ko ‘yung AKF,” ani Rescobillo.
Dahil dito, mula Laguna ay talagang sinadya nilang pumunta sa Eastwood City para sa adoption drive ng AKF.
Si Riz naman daw ang napili nilang ampunin dahil siya raw ang talagang naglambing agad sa kaniyang ina nang bisitahin nila ang mga pusa doon. Kaya naman, inuwi na nila si Riz sa Laguna at makakasama raw nito ang isa pa nilang fur baby sa bahay na persian cat.
“Stress reliever sila. ‘Yung kapag na-stress ka sa work, nakakatuwa silang i-pet, ‘yung makipaglaro sila sa akin,” ani Rescobillo.
Jennifer Romares, 51, Marikina City
Si Romares ang nag-ampon kay Raven, isang 4 months old dog na na-rescued AKF mula sa Makati City pound.
Ani Romares, wala raw talaga siyang balak na mag-ampon ng hayop at talagang namasyal lang sila sa Eastwood. Ang kaniyang kaibigan daw ang talagang naghanap sa lugar kung saan ipinagdiwang ang Animal Aspin Day dahil sa ito ang mas malapit sa mga hayop at talagang nagre-rescue rin ng stray animals at volunteer din sa private animal organizations.
“Ngayon, hinahanap niya itong event. Pero nong sumilip kami sa mga pinapa-adopt ng AKF, para sinabi lang niya (Raven) sa akin na: ‘Hi!’ Sabi ko, ang cute naman niya. Nong nalaman ko na rescued sila, so sabi na-cute-an lang ako. Noong lumapit ako, lumapit din siya. Kaya kinuha ko na siya,” saad ni Romares.
Makakasama raw ni Raven sa bahay nina Romares ang isa niyang fur baby na isang Corgi dog.
“Nakaka-happy lang talaga kapag may mga pet,” saad ni Romares.
Lorna Cruz, 51, Pasay City
Kasama ni Cruz ang kaniyang asawa at tatlong anak na nagtungo sa Eastwood upang ampunin si Percy, 4 years old female dog na na-rescue ng AKF mula sa dog meat trade sa Pandi, Bulacan, at si Basti, 1 year old female dog na na-rescue rin ng AKF mula sa dog meat trade sa Bangui, Ilocos Norte.
Ayon kay Cruz, bata pa lamang siya ay mapagmahal na siya sa mga hayop. Dahil namatay raw ang dalawa nilang aso noong nakaraang taon, naisip daw niyang buksan ang kanilang tahanan sa dalawang pang aso.
Naramdaman din daw niyang right time na para mag-adopt ng mga aso dahil sa pagdiriwang ng National Aspin Day nitong Agosto 18.
“When I came upon the social media of AKF, I learned that they’ve been saving dogs from dog meat trading. I felt that these dogs deserve a second chance at life. So talagang nag-file na ako for adoption,” saad ni Cruz.
Naipasa naman ni Cruz at ng kaniyang asawang pet lover din ang kanilang pagmamahal sa mga hayop sa kanilang tatlong anak.
Ayon sa kanilang anak na si Adam, 15, talagang simula pagkabata pa lamang daw silang magkakapatid ay animal lover na sila dahil namulat daw sila sa kanilang mga magulang na mapagmahal din sa mga hayop.
“My whole life love ko na ang animals. Lahat po kami gusto talaga namin ng pets,” ani Adam.
Makakasama raw nina Percy at Basti ang anim na pusa at isang aso ng pamilya Cruz.
Michael Goyagoy, Quezon City
Si Goyagoy ang nag-ampon kay Rio, 8 months old cat na na-rescue ng AKF sa UP Balay.
Kuwento ni Goyagoy, isang journalist, nag-cover lang siya sa naturang event at wala talagang balak mag-ampon ng fur baby hanggang sa makita niya si Rio.
“Itong nag-cover ako dito, nakita ko siya eh. Parang nagkaroon kaagad ng connection. Parang nagpapa-cute siya. So I decided na ampunin siya,” aniya.
Nagsimula raw ang talagang pagka-love ni Goyagoy at kaniyang kapatid sa mga pusa nang may mapadpad na pusa sa kanilang dating boarding house at kanilang inalagaan.
“‘Yung boarding house namin dati, meron kaming pusa don. Kaya lang dumami sila, naging 14 cats. ‘Yung landlady namin, ayaw niya. So gusto nilang ipahuli sa impounding ng LGU, pero ayaw namin. Kaya noong Pasko, nag-ipon talaga kami ng pera, nag-hire kami ng sasakyan, ibiniyahe namin sila sa province sa Cagayan Valley. Medyo malayo sa kabihasnan, so nasa forest na sila, maganda ‘yung bahay nila, masaya sila,” saad ni Goyagoy.
Na-miss naman daw nilang magkapatid ang kanilang mga pusa, kaya’t parang “destiny” na rin nang makita niya si Rio sa event. Kaya naman, surprise daw niya si Rio sa kaniyang kapatid na kapwa niya cat lover.