Para sa pet lovers, isang fulfillment ang pag-aalaga ng kanilang fur babies. Ngunit, gaano naman kaya ka-fulfilling ang pakiramdam kung ang inaalagaan mo ay hindi lang isa, dalawa o limang aso o pusa, kung hindi 50 at lahat pa sila ay rescued animals?
Gaya na lamang ni Christian Moratalla, isang 33-anyos mula sa Ragay, Camarines Sur na lumuwas patungong Capas, Tarlac upang magtrabaho sa Animal Kingdom Foundation (AKF) at maging isa sa mga tagapag-alaga ng mga nasagip na hayop sa shelter.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Moratalla, ibinahagi niyang lumipat siya sa Capas noong Hulyo 2024 para maging stay-in na empleyado ng AKF at mag-alaga ng mga nare-rescue na mga hayop doon.
Kuwento niya, hindi siya nagdalawang-isip na lumuwas pa-Capas, Tarlac nang tawagan siya ng bayaw niyang on-call driver sa AKF para magtrabaho sa animal shelter dahil sa kaniya ring pagmamahal sa mga aso.
“May anim din po kasi kami aso sa bahay sa CamSur na mga aspin din,” ani Moratalla.
Nasa anim daw sina Moratalla na full-time employee na nag-aalaga sa humigit-kumulang 300 aso’t pusa sa AKF, at bukod sa kanila’y may iba pang mga tumutulong na volunteers sa shelter.
Ibinahagi rin ni Moratalla ang karaniwang ginagawa o routine niya sa pag-aalaga ng naka-assign sa kaniya na nasa 50 aso. Aniya, pumapasok siya sa trabaho anim na araw sa isang linggo, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
“Sa umaga, kailangan naming pakainin ang mga aso. Pero dapat bago mo sila pakainin, kailangang tanggalin mo muna ‘yung dumi nila, dapat malinis ‘yung flooring. Tapos pabanguhan ‘yung kennel saka pakainin ‘yung mga aso,” aniya.
Bandang 9:30 ng umaga naman sisimulan ni Moratalla ang pagpapalakad sa mga aso sa paligid at playground ng AKF para may exercise at social life pa rin sila.
Pagkatapos nito, ihahanda na nila ang tanghalian ng rescued animals saka sisiguruhing malinis ang inumin ng mga ito.
Nagtutulong-tulong din sila, kasama ang mga volunteer ng AKF, sa paglilinis sa compound upang maging maayos itong tingnan lalo na tuwing may darating na mga bisita.
Aniya pa, sa halos araw-araw na pag-aalaga sa mga aso, pakiramdam niya ay hindi siya nagtatrabaho dahil napamahal na rin siya sa mga ito.
“Dahil po doon, nagiging masaya ako. Nakakalibang gawa ng nasasanay rin ‘yung mga aso na kasama ako. Nage-enjoy ako sa loob ng pinagtatrabahuhan ko. Hindi lang sa mga kasamang empleyado, kundi sa mga aso talaga,” ani Moratalla.
“Ang mga aspin, madali lang alagaan, turuan, depende sa pakikitungo mo sa kanila,” saad pa niya.
Kaya naman, ani Moratalla, wala sa isip niyang umalis sa kaniyang kasalukuyang trabaho. Para sa kaniya, isang tunay na fulfillment ang gumising sa umaga at alagaan ang mga hayop na malaki na ring bahagi ng kaniyang buhay.
KAUGNAY NA BALITA: 'Para kang nakaginto sa Olympics!' Mga epekto 'pag nag-volunteer ka sa animal shelter