“Tama na po, may exam pa ako bukas.”
Inalala ni Senador Risa Hontiveros ang ika-7 anibersaryo ng pagkamatay ng estudyanteng si Kian delos Santos, isa sa mga naging biktima ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang Facebook post nitong Biyernes, Agosto 16, hinikayat ni Hontiveros ang publikong alalahanin si Kian at ang lahat umano ng mga pinaslang sa war on drugs.
“Tama na po, may exam pa ako bukas.’ Heartbreaking last words ni Kian delos Santos, isa sa mga biktima ng karumaldumal na giyera kontra droga ng administrasyong Duterte,” ani Hontiveros.
“Pitong taon na mula nung pinaslang si Kian. Let us all #RememberKian & all those killed in the senseless, murderous drug war,” saad pa niya.
Noong Agosto 16, 2017 nang paslangin si Kian, noo’y 17-anyos, sa isang police operation sa Barangay 160, Caloocan City.
Iginiit ng pulisya na nanlaban si Delos Santos, ngunit lumabas sa CCTV camera na kinaladkad ng mga pulis ang biktima bago binaril.
Hinatulan naman ng murder ang mga pulis na sangkot sa kaso.
Samantala, matatandaang inihayag ni human rights lawyer Chel Diokno kamakailan na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno