Ipinahayag ni dating Senador Kiko Pangilinan na babalik siya sa kaniyang original plan na tumakbong senador sa 2025 para sa mas magandang kinabukasan ng mga Pilipino.
Sa isinagawang press conference sa Cebu City nitong Biyernes, Agosto 16, idineklara nina Pangilinan, maging sina dating Senador Bam Aquino at human rights lawyer Atty. Chel Diokno, ang kanilang kandidatura sa pagka-senador sa 2025 midterm elections.
MAKI-BALITA: 'CheKiBam': Chel, Kiko, Bam, idineklara pagtakbo bilang senador sa 2025
Kaugnay nito, sa kaniyang opening statement ay binanggit ni Pangilinan na noon pa mang 2022 national elections ay ang reelection sa pagiging senador na raw ang kaniyang plano, ngunit hindi raw siya nagsising tumakbo bilang bise presidente ng bansa kasama ang tumakbo noong pangulo na si dating Vice President Leni Robredo.
“When I ran for vice president in 2022, ang biro ko nga, ang original plan ko naman talaga ay to run for reelection (as senator). So I’m just going back to my original plan. But, sabi ko nga, no regrets. When Vice President Leni asked me to sacrifice, to support her, and I believe she was the most qualified, I set aside my own political plans,” ani Pangilinan.
“Sabi ko sa sarili ko, paano ko maipapaliwanag sa aking mga anak na noong panahong kinakailangang tumaya at tumindig ay hindi ako tumaya at hindi ako tumindig. Kaya isinantabi natin ‘yung sarili nating mga plano, personal, and I have no regrets,” dagdag niya.
Binanggit din ng dating senador na huhugutan din niya ng lakas sa kanilang kandidatura sa susunod na eleksyon ang naranasan niyang bolunterismo ng kanilang mga naging tagasuporta noong 2022 national elections.
“It was a journey, an honor, and a privilege to have helped lead that amazing, outpouring of volunteerism. And it is that same experience where we are going to draw strength from. In the end, we have to trust our people in terms of their desire as well to have a better future, and that’s why we are here,” saad ni Pangilinan.
Matatandaang tumakbo si Pangilanan bilang bise presidente noong nakaraang eleksyon kung saan naging running mate niya si Robredo at tinawag ang kanilang mga tagasuporta na “Kakampinks.”
Nagsilbi siya bilang senador mula 2001 hanggang 2013, at mula 2016 hanggang 2022.