Opisyal nang idineklara nina Atty. Chel Diokno, dating Senador Kiko Pangilinan, at dating Senador Bam Aquino ang kanilang pagtakbo bilang senador sa 2025 midterm elections.
Nangyari ito sa ginanap na press conference sa Cebu City nitong Biyernes, Agosto 16, kung saan nakasama ng tatlong senatorial bets si Senador Risa Hontiveros.
Sa kaniyang opening statement, sinabi ni Diokno na sa tingin niya ay may hinahanap na alternatibo ang mga Pilipino na hindi nila nakikita sa mga opisyal na kasalukuyang nakaupo sa pwesto, maliban kay Hontiveros.
“Sa tingin ko our people are looking for an alternative. Meron silang hinahanap na hindi nila nakikita sa kasalukuyang nakaupo, maliban lang kay Sen. Risa Hontiveros. Kami po, we are offering ourselves as that alternative, because we are here only for one purpose. And that is to serve the people,” ani Diokno.
Binanggit naman ni Pangilinan na noon pa mang 2022 national elections ay ang reelection sa pagiging senador na ang kaniyang plano, ngunit hindi raw siya nagsising tumakbo bilang bise presidente ng bansa kasama ang tumakbo noong pangulo na si dating Vice President Leni Robredo.
“It was a journey, an honor, and a privilege to have helped lead that amazing, outpouring of volunteerism. And it is that same experience where we are going to draw strength from. In the end, we have to trust our people in terms of their desire as well to have a better future, and that’s why we are here,” ani Pangilinan.
Samantala, sinabi naman ni Aquino na handa na raw silang lumaban para samahan si Hontiveros na isulong sa Senado ang totoong mga kailangan ng taumbayan.
“Sama-sama tayong lalaban sa susunod na eleksyon. We will fight for this country. Magiging boses tayo ng mga walang boses sa Senado. At ‘yung mga talagang mahalaga sa taumbayan, ‘yun ‘yung isusulong natin. ‘Yun ‘yung ipaglalaban natin. Dahil alam po nating marami sa mga isyu ngayon, hindi po nabibigyan ng tamang pansin. At ‘yung grupo pong ito, kahit hindi po madali ang laban na ito, gagawin po nami ‘yan. At lalaban kami kasama ninyo at para po sa inyo,” saad ni Aquino.
Tatawagin daw ang grupo nina Diokno, Pangilinan, at Aquino na “CheKiBam.”