Isang babae ang nasawi matapos siyang pagsasaksakin sa isang pampublikong lugar sa Caloocan City.
Base sa ulat ng “Unang Balita” ng GMA News, makikita sa CCTV na nagse-cellphone lamang ang babae na kinilalang si “Angeline” sa labas ng isang restaurant sa Brgy. Bagong Barrio nang lumapit ang lalaki upang pagsasaksakin siya.
Rumesponde naman ang mga opisyal ng barangay sa biktima at dinala siya sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival.
Dahil sa naturang pangyayari, naglabasan sa social media na mayroong umano’y “serial killer” sa Caloocan City dahil sa sunod-sunod umanong kaso ng pananaksak sa lugar.
Ngunit mariin itong pinabulaanan ni Caloocan City Mayor Along Malapitan at sinabing ito ay “fake news” lamang.
“Batid ko po ang kumakalat na balita sa social media hinggil sa sinasabing serial killings o paggala ng isang serial killer dito sa Caloocan. PARA PO SA KAPANATAGAN NG LAHAT, NAIS KONG LINAWIN NA WALA PONG KATOTOHANAN ANG NASABING BALITA. ,” anang alkalde.
Ang lalaking sumaksak kay Angeline ay kaniya umanong live in partner at ang dahilan daw ng pananaksak marahil ay selos.
“Ang nangyari pong pananaksak sa area ng Morning Breeze ay isang isolated case at batay sa ulat sa atin ni Caloocan City Police Chief Colonel Paul Doles, love triangle o selos po ang ugat ang nasabing insidente…,” dagdag pa ni Malapitan.
Samantala, ayon sa nanay ng biktima, dati na umanong may problema ang kaniyang anak sa lalaking kinakasama nito na magda-dalawang buwan pa lamang.
Noong Agosto 10, tumawag daw si Angeline sa kaniya habang umiiyak at sinabing makikipaghiwalay na ito sa kaniyang kinakasama matapos daw siya nitong ikulong.
Pina-blotter na rin umano nina Angeline ang lalaki, na kinuha pa raw ang cellphone at wallet niya. Sinubukan naman umano nilang kausapin nang maayos ang lalaki upang maibalik na rin ang mga kinuhang gamit nito.
Ngunit noong Miyerkules, Agosto 14, nalaman ng ina ni Angeline na makikipagkita ito sa lalaki at kalauna’y nabalitaan na lang daw niya ang nangyaring krimen.
At nitong Agosto 16, inihayag sa publiko na nahuli ng mga awtoridad ang suspek.