Dalawang senior citizen, na mula sa Romblon at Rizal, ang kumubra ng kanilang milyon-milyong premyo nang manalo sila sa Mega Lotto at Lotto 6/42 ng PCSO.
Ang unang senior citizen ay kumubra ng ₱17,567,700.60 premyo nang mahulaan niya ang winning combination ng Mega Lotto 6/45 na 36-25-19-37-07-11.
Binola ang naturang lotto game no'ng Hulyo 8.
Ayon sa PCSO, ang 60-anyos ay isang self-employed wife na halos limang taon nang tumataya ng lotto. Nabili niya ang lotto ticket sa isa sa mga outlet sa Odiongan, Romblon.
“Noon pa man, naniniwala ako sa swerte. Kapag may tira akong barya, itataya ko sa lotto kasi mas ok na yung may inaasahan ka. Nagpapasalamat ako, unang-una sa Diyos kasi pinagkalooban kami ng ganitong biyaya. At sa PCSO, tunay pong nagbibigay kayo ng pag-asa.” saad ng lucky winner.
Samantala, kumubra rin ng napanalunang ₱12,725,157.60 jackpot prize ang isang babaeng senior citizen mula sa Rizal.
Nahulaan niya ang winning numbers na 27-23-17-41-15-29 ng Lotto 6/42 na binola noong Hulyo 20.
Sa ulat ng PCSO, mula pa noong 1995 tumataya sa lotto ang lucky winner pero tumataya lang ito kapag may extrang pera.
“Hindi naman po ganung kaayos ang pamumuhay namin kaya ako’y nagbabasakaling mananalo [sa lotto]. Inabot na ako ng ganitong edad pero di ako nawalan ng pag-asa,” anang lone bettor sa PCSO.
KAUGNAY NA MGA BALITA:
Lone bettor sa Davao del Sur, kumubra ng ₱157-M premyo sa PCSO
OFW, umuwi ng 'Pinas para kubrahin ang ₱27M lotto jackpot prize