November 22, 2024

Home SPORTS

Wish ni Dottie Ardina, sana wala ng atletang Pinoy na magmukhang busabos at kawawa!

Wish ni Dottie Ardina, sana wala ng atletang Pinoy na magmukhang busabos at kawawa!
Photo courtesy: Dottie Ardina (FB)

Usap-usapan ang Facebook post ng atletang si Dottie Ardina, ang kontrobersiyal na golfer na nagbahagi ng kaniyang pagkadismaya sa kawalan ng provided uniform para sa kanila ng kasamahang si Bianca Pagdanganan, sa nagtapos na 2024 Paris Olympics na umani ng katakot-takot na kritisismo laban sa National Golf Association of the Philippines at Philippine Olympic Committee.

Matatandaang naimbyerna hindi lamang ang mismong kinatawan ng Pilipinas sa sports na golf at kanilang mga kaanak sa tila kawalan nila ng maayos na uniporme sa nabanggit na sports event kundi maging ang fans at netizens.

Nag-viral ang video ni Ardina matapos niyang ipakita kung paano niya kinakabitan ng patch ang kaniyang biniling polo shirt gamit ang double adhesive tape. Aniya sa video na ibinahagi ng kaniyang ina, wala raw ibinigay na uniporme sa kanila at kinakailangan pa nilang magpaluwal sa sariling bulsa para naman maging mas maayos at presentable ang kanilang hitsura sa laban.

Hindi naiwasan ng Pinoy golfer na maikumpara ang sitwasyon nila ng kasamang si Bianca Pagdanganan sa mga kinatawang atleta ng ibang bansa.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Sana all with uniforms. Kami lang ang wala. Kailangan pa bumili ng t-shirts. Diyos ko, ano bang klaseng Olympics ito."

"Shout out naman diyan, sa mga nagbigay ng uniforms natin, saan na napunta? Dalawa na lang kami dito, 22 lang ang atleta, kulang-kulang pa.”

“Nakakahiya. Sobra-sobrang tao, kami lang walang uniform, tuklap-tuklap pa ito.”

Nagsalita naman sa isang joint statement ang National Golf Association of the Philippines at Philippine Olympic Committee. Anila, may nakalaang uniporme para sa Pinoy golfers subalit hindi raw ito nagkaroon ng clearance sa custom ng Paris. Hindi raw na-aprub ang inilaang uniporme ng sponsor na "Adidas" kaya kinakailangan daw magkaroon ng pagbabago subalit hindi ito kaagad na nakarating. Nang maipadala naman ang mga bagong uniporme at gear sa Paris ay huli na.

MAKI-BALITA: Fans, dismayado sa kawalan ng maayos na uniporme ng PH Olympic golfers

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Sad na wala kayong uniforms provided by the Philippine Olympic Committee."

"Kaloka yan teh ano nangyari sa flag nka tape lng..local club tour nga may uniform ang players sa Olympic waley.."

"OMG nakaka-sad naman ito!"

"Good luck, Dottie and Bianca! Salamat sa laban! Mabuhay kayo!"

"Months to prepare. Walang nagawa ang POC."

"Salamat sa inyong dedication para ma represent our country. Mabuhay kayo!"

Samantala, ibinigay pa rin nina Ardina at Pagdanganan ang kanilang pinakamahusay na makakaya para sa nabanggit na kategorya.

Pumang-apat sa puwesto si Pagdanganan na maituturing na "best result" sa isang Pinoy golfer sa Olympics, samantalang si Ardina naman ay nakapasok sa Top 15. Kahati ni Pagdanganan sa fourth spot sina Hannah Green ng Australia, Amy Yang ng South Korea, at Miyu Yamashita ng Japan.

Nakatanggap naman sila ni Bianca at iba pa ng ₱1M, para sa mga atletang nagpakitang-gilas at ginawa ang kanilang makakaya sa kani-kanilang mga sports category.

Ngunit hindi pa pala tapos si Ardina sa kaniyang isyu dahil sa isang Facebook post ay ipinaliwanag niya ang kaniyang panig, at late daw ang kaniyang pag-address sa isyu dahil ayaw niyang masira ang laban.

Paliwanag ni Ardina, hindi naman daw niya intensyong manira, subalit kailangan daw niyang gawin iyon upang marinig naman ang kanilang hinaing, dahil nakakapanliit daw sa pakiramdam ang nangyari.

Ngunit marami rin daw ang tila nadismaya sa kanilang ginawa dahil ang dating daw ay nagrereklamo sila.

"Ako po ay walang masamang intensiyon. Alam ko po na sa paggawa ko ng video ay madaming sumuporta at may nagalit din at nagsasabing 'wala yan sa üniform!' O 'maglaro na lang puro pa reklamo.' Ang gusto ko lang naman po ay maayos at magmukhang presentable kami bilang atleta ng bayan at para din mataas ang tingin ng ibang bansa sa Pilipinas," paglilinaw ni Ardina.

Hiling pa ni Ardina, "Sana lang ay hindi na po maulit ang mga nangyari. Sana magbago ang patakbo. Sana mas magaling sila sa susunod. Sana magkaroon ng maayos na COMMUNICATION sa pagitan ng mga officials na naka-assign at sa mga atleta na maglalaro sa susunod na Olympics. Sana wala ng Philippine Team at atletang Pilipino ang magmukhang busabos at kawawa."

Dottie Ardina - Ako po si Dottie Ardina, bahagi po ako ng... | Facebook