Maraming nagtataka kung bakit wala ang mga kapamilya ni two-time Olympics gold medalist at Filipino pride gymnast Carlos Yulo nang bumaba silang Filipino Olympians mula sa eroplanong nakatigil sa Villamor Air Base sa Pasay City, gabi ng Martes, Agosto 13.
Ang iba kasing Filipino Olympians, mainit na sinalubong ng kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng yakap at halik, pero siyempre, nakaabang ang mga marites kay Caloy, dahil alam naman ng lahat at naging kontrobersiya ang naging hidwaan nila ng inang si Angelica Yulo, damay pa ang kaniyang mga kapatid, gayundin ang kasintahang si Chloe San Jose.
Mismong si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at kaniyang pamilya ang sumalubong sa Filipino Olympians sa pagbabalik nila sa bansa. Mainit na sinalubong ng First Family ang Filipino Olympians sa palasyo ng Malacañang, nang sila ay dumating mula sa Villamor Air Base sa Pasay City.
Sa welcome reception, personal na ipinagkaloob ni PBBM ang Presidential Medal of Merit kay Yulo dahil sa pag-ukit nito sa kasaysayan, na pangalawang gold medalist sa Olympics at kauna-unahang nakasungkit ng dalawang gintong medalya rito, para sa kategoryang men's artistic gymnastics, floor exercise at vault.
Bukod dito, iginawad din ng Pangulo ang cash incentive na ₱20M kay Yulo batay sa premyong mandato ng batas para sa sinumang makasusungkit ng gintong medalya sa Olympics.
Tig-₱2M naman ang ibinahagi ni PBBM sa mga bronze medalist na sina Aira Villegas at Nesthy Petecio, para sa women's boxing.
May ₱1M naman ang iba pang mga atletang nagpakitang-gilas at ginawa ang kanilang makakaya sa kani-kanilang mga sports category.
Kinilala at binigyang-pugay ng Pangulo ang dedikasyon ng mga atleta, maging ang suporta ng kanilang mga coach, trainer, at mahal sa buhay. Binigyang-diin din niya ang layuning isulong pa ang sports development sa Pilipinas.
MAKI-BALITA: PBBM, pinangunahan pagkakaloob ng medal of merit, premyo kay Yulo
Ngunit sa lahat ng mga nagaganap na seremonyang ito, wala ang mga kilalang kapamilya ni Caloy, lalo na ang kaniyang lolong si Rodrigo Frisco na isa sa mga dahilan kung bakit nahilig sa gymnastics ang Olympic champion, dahil noong bata pa lamang ang apo, ay dinadala na niya si Caloy sa Rizal Memorial Coliseum para sumabak na sa ensayo sa ilalim ng Gymnastics Association of the Philippines.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Rodrigo, sinabi niyang nadismaya siya nang mapag-alamang isang text message daw ang natanggap ng tatay ni Caloy na si Mark Andrew Yulo, na nagsasabing huwag na silang magpunta sa pagsalubong sa airport.
Nabahiran tuloy ng pagka-imbyerna ang sana'y masayang pagsalubong ng pamilya para sa atletang nagdala ng dobleng karangalan sa bansa, mula sa nagtapos na 2024 Paris Olympics. Nabanggit kasi ng 74-anyos na lolo ni Carlos na naghahanda na sila para sa pagsalubong sa airport.
Hindi raw nalaman ni Rodrigo kung sino ang nag-utos, subalit nabanggit niya na ang hinala niya ay mula mismo ito kay Caloy.
Saad niya sa panayam, "Dapat nga sana masaya kaso nadismaya ako. Hindi kami pinayagang pumunta roon. Ang susundo lang daw, si President [Bongbong Marcos] saka mga piling-piling media. Kaya imbes na masaya sana kaming lahat, nadismaya kami dahil naka-ready na kami sa pagsalubong eh. Naka-ready na kami," aniya.
"Nag-text daw sa Papa niya [Carlos Yulo] na huwag na daw kaming sumama sa pagsalubong. Hindi ko rin alam kung sino, eh. Pero si Caloy yata, eh," saad pa ng matanda.
Pero mukhang babawi ang pamilya sa ibibigay na heroes' welcome ng lokal na pamahalaan ng Maynila para kay Carlos at EJ Obiena na pawang mga residente rito.
Nakahanda na raw kasi ang mga banner at iba pang paraphernalia nila upang ipamalas ang pagsuporta at pagmamahal para kay Caloy.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, pahayag, o kumpirmasyon mula kay Carlos kung totoo bang siya ang nag-utos na huwag nang magpunta sa salubong o maging sa seremonya sa Palasyo ang kaniyang mga kapamilya.