November 05, 2024

Home SPORTS

PBBM, pinangunahan pagkakaloob ng medal of merit, premyo kay Yulo

PBBM, pinangunahan pagkakaloob ng medal of merit, premyo kay Yulo
Photo courtesy: Noel Pabalate (MB)/Presidential Communications Office (FB)

Mismong si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at kaniyang pamilya ang sumalubong sa Filipino Olympians sa pagbabalik nila sa bansa, sa pangunguna ni two-time Olympics gold medalist at Filipino pride gymnast Carlos Edriel Yulo nitong Martes ng gabi, Agosto 13.

Mainit na sinalubong ng First Family ang Filipino Olympians sa palasyo ng Malacañang, nang sila ay dumating mula sa Villamor Air Base sa Pasay City.

Sa welcome reception, personal na ipinagkaloob ni PBBM ang Presidential Medal of Merit kay Yulo dahil sa pag-ukit nito sa kasaysayan, na pangalawang gold medalist sa Olympics at kauna-unahang nakasungkit ng dalawang gintong medalya rito, para sa kategoryang men's artistic gymnastics, floor exercise at vault.

Bukod dito, iginawad din ng Pangulo ang cash incentive na ₱20M kay Yulo batay sa premyong mandato ng batas para sa sinumang makasusungkit ng gintong medalya sa Olympics.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Tig-₱2M naman ang ibinahagi ni PBBM sa mga bronze medalist na sina Aira Villegas at Nesthy Petecio, para sa women's boxing.

May ₱1M naman ang iba pang mga atletang nagpakitang-gilas at ginawa ang kanilang makakaya sa kani-kanilang mga sports category.

Kinilala at binigyang-pugay ng Pangulo ang dedikasyon ng mga atleta, maging ang suporta ng kanilang mga coach, trainer, at mahal sa buhay. Binigyang-diin din niya ang layuning isulong pa ang sports development sa Pilipinas.