Lumipad pa pauwi ng Pilipinas ang 53-anyos na overseas Filipino worker (OFW) mula sa Middle East para kubrahin ang napanalunan niyang ₱27 milyong lotto jackpot prize.
Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), napanalunan ng naturang OFW ang ₱27,450,306.20 jackpot prize ng Lotto 6/42 sa pamamagitan ng E-Lotto.
Ang naturang lotto game ay binola noong Hulyo 11, 2024 na may winning numbers na 33-17-40-09-42-20.
Saad ng PCSO, ang 53-anyos na lalaki ay 20 taon nang nagtatrabaho sa ibang bansa para mabuhay ang kaniyang pamilya dito sa Pilipinas. At kada uuwi raw dito sa bansa, palagi raw ito tumataya ng lotto.
Pero ngayong may E-Lotto na, tumaya ang 53-anyos sa lotto kahit nasa Middle East ito.
“Sana po ay tuloy-tuloy na ang eLotto, malakas po siya dito sa Middle East. Nakikipagbakbakan po siya sa ThaiLotto at SaudiLotto,” saad ng lucky winner.
Gagamitin umano ng lucky winner ang napanalunan sa negosyo at pampagamot.
Ang E-Lotto ay digital version ng tradisyunal na lottery games na ang layunin ay magkaloob ng ligtas, moderno at accessible gaming experience sa mga Pinoy.