December 23, 2024

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Mga inireklamo ni Sandro, hinimok ang aktor na magsabi ng totoo

Mga inireklamo ni Sandro, hinimok ang aktor na magsabi ng totoo
Photo courtesy: Sandro Muhlach (IG)/Senate of the Philippines (FB)

Sa kauna-unahang pagkakataon, humarap na sa senate hearing ang dalawang GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz kaugnay pa rin sa isyu ng sexual harassment na inireklamo laban sa kanila ni Sparkle artist Sandro Muhlach.

Sina Nones at Cruz ay parehong independent contractors ng GMA Entertainment Group. Si Nones ay dating creative consultant, ngayon ay direktor na habang si Cruz naman ay scriptwriter at creative consultant din.

Isinagawa ito ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na pinangungunahan ni Sen. Robin Padilla, kasama pa sina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, Sen. Bong Revilla, at Sen. Joel Villanueva.

Iginiit ni Richard na hindi sila executive ng GMA at wala silang kapangyarihan sa mga artista nito. Itinanggi rin niya ang umano'y akusasyon laban sa kanila ni Sandro.

Tsika at Intriga

Karanasan ni BJ Pascual kay Kristine Hermosa, naungkat dahil kay Denise Julia

"Hindi po kami gumawa ng kahit anong sexual harassment or abuse laban kay Sandro Muhlach. Sa pagkakataong ito, sa harap ninyong lahat, mariing itinatanggi po namin lahat ng mapanirang akusasyon na ito laban sa amin," ayon kay Cruz.

Ayon naman kay Jojo, nalulungkot at nasasaktan daw sila sa mga nababasa at naglalabasang balita at posts laban sa kanila, na tinatawag silang "bakla" at "abuser."

Sey niya, oo't bakla raw sila subalit hindi sila abuser.

"Napakasakit sa amin at sa aming pamilya na nababasa ang aming mga pangalan online na may caption na 'Bakla' at kung ano-anong masasakit at mapanirang-puri na bansag at descriptions. Bakla po kami, oo, pero hindi kami mga abuser. Bakla kami, oo, pero hindi kami gumagawa ng masama sa kapwa. Bakla kami, oo, at may takot po kami sa Diyos," anang Nones.

Humihiling din umano ng hustisya sina Nones at Cruz laban sa malisyosong mga bintang laban sa kanila. Kaya umano nilang patunayan sa piskalya o korte na wala silang kasalanan.

Hiling din nila sa sambayanan na huwag muna silang husgahan at hindi pa sila convicted na kriminal.

Kay Sandro naman daw, wala raw silang ginawang masama laban sa kaniya, at alam daw ng aktor ang totoo. Hindi pa raw huli ang lahat at magsabi ng totoo.

"Kay Sandro, wala kaming ginawang masama sa iyo at alam mo 'yan sa puso mo," giit ni Nones. "Hindi pa huli ang lahat na magsabi ng totoo."

Dagdag pa ng dalawa, sa tinagal-tagal daw nila sa industriya, wala raw ni isang nagreklamo laban sa kanila; sexual man o anuman. Hindi raw nila sisirain ang iniingatan nilang pangalan, karera, at reputasyon lalo na raw at alam nilang anak si Sandro ng isang sikat at maimpluwensyang artista sa industriya.

Matatandaang nauna nang sumalang sa senate hearing ang ama ni Sandro na si Niño Muhlach kasama ang legal counsel, gayundin si GMA Network Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide, and Support Group Atty. Annette Gozon-Valdes. Hindi naman nakadalo rito si Sandro batay na rin sa payo ng National Bureau of Investigation (NBI).

Hindi rin nakadalo sa nabanggit na unang senate hearing sina Nones at Cruz.

MAKI-BALITA: Mga inireklamo ni Sandro: 'Bakla kami pero hindi kami abuser!'

Samantala, matapos marinig ang panig ng dalawang independent contractors, iginiit ng sneate committee chair na si Sen. Robin Padilla na poprotektahan nila ang mga karapatang-pantao ng dalawang partido. 

"Hindi po kami Huwes. Hindi hukuman ito. Hindi namin papel iyan. Poproteksiyunan po namin ang inyong karapatan dito. Katulad po ng pag-poprotect sa inyo ng ating mga law enforcement,” aniya.