Naging tulak umano ng droga ang 20-anyos na Grade 9 student mula sa Parañaque City para daw may pambaon siya sa eskuwelahan.
Sa ulat ng Unang Balita ng GMA News, naaresto ang suspek matapos mahuli umanong nagbebenta ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya.
Nasamsam sa kaniya ang 150 gramo ng shabu na tinatayang nasa mahigit P1 milyon ang halaga.
"May mga parokyano po siyang pinupuntahan niya mismo para mag-deliver siya. Mayroon din po siyang mga parokyano through online transactions," saad ni PMAJ. Romulo Villanueva ng Parañaque City Police sa panayam ng Unang Balita.
Samantala, inamin naman ng suspek na sangkot siya sa pagtutulak ng droga.
"Kailangan po eh. Nag-aaral po kasi ako. Tapos ayan po 'yung binabaon ko po," saad ng Grade 9 student.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.