Labis na pag-aalala at pagka-depress na raw ang nararamdaman ng isang ina sa San Miguel, Bulacan, dahil mahigit isang buwan nang hindi nahahanap ang kaniyang menor de edad na anak na bumili lamang daw ng candy noong araw na nawala ito.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ng ina na si Normaliza Catabay, mula sa Brgy. Sibul, San Miguel, Bulacan, na noong Hulyo 1, 2024 nila huling nakasama ang 16-anyos nilang anak na si Pinky Catabay Galang.
“Mga 8:00 ng gabi, nagpaalam lang po siya sa papa niyang bibili ng candy sa malapit lang po sa bahay. Sinundan po agad ng papa niya. Wala na po, hindi na nakita,” kuwento ni Normaliza sa Balita.
Naniniwala si Normaliza na dinukot umano si Pinky dahil hindi naman daw nila maisip na naglayas ito at maayos naman daw ang kanilang pagsasama bilang isang pamilya. Si Pinky rin ang panganay sa dalawa nilang anak at talagang mabait daw ito at masipag mag-aral.
“Okay naman po kami noong araw na nawala siya. Wala naman po siyang boyfriend. Ang kutob ko po ay may kumuha po sa kaniya,” ani Normaliza.
“Mabait, tahimik at masunuring anak si Pinky. Masipag mag-aral. Grade 12 po sana siya ngayon. Hindi po nalabas ng bahay ‘yun kapag hindi kasama papa niya. Hatid-sundo pa po sa school noon. Naisip ko po, baka namanmanan siya, nagkataong hindi kasama papa niya noong time na nawala siya. Depress na depress na po puso't isip ko. Parang hindi ko na po kakayanin,” saad pa niya.
Samantala, agad naman umanong ni-report ng pamilya sa barangay at pulisya ang nangyari kay Pinky ngunit hanggang ngayon ay wala umano silang natatanggap na update bukod sa pag-post ng San Miguel MPS Bulacan PPO sa kanilang Facebook page.
“Wala po. Hindi ko rin po kasi alam kung naghahanap po sila. Post lang po nila ang tangi kong nalaman. Kasi noong nag-report po asawa ko sa kanila, interview lang daw po ang ginawa. Tapos ‘yun po, nag-post na po sila,” ani Normaliza.
Kinuha naman ng Balita ang panig ng San Miguel MPS Bulacan PPO, at ayon sa kanilang imbestigador, wala pa umanong update sa kaso ni Pinky.
Dahil sa labis na pagkabahala at pagka-depress na nararamdaman ni Normaliza mula sa pagkawala ni Pinky, ibinahagi niyang may mga pagkakataon pang napapasama siya sa ibang pinagtatanungan daw niya ng kinaroroonan ng kaniyang anak.
“May tatawag sa akin, may ituturo na tao na may alam daw, tapos itatanong ko lang naman sa tao na ‘yun kung siya nga, kung may kinalaman po siya. Pina-barangay pa niya ako dahil pinagbibintangan ko daw po sila. Hindi ko naman intensyon, kasi may nagsabi lang sa akin. Ako po bilang isang ina, nagtatanong ako, pero minasama po niya pagtatanong ko. Pina-barangay pa niya ako at sasampahan pa daw niya ako ng kaso. Masama na po palang magtanong lang. Akala na nila pambibintang na ‘yun,” saad ni Normaliza.
“Stressed na stressed na po kasi ako kaya minsan hindi ko na rin alam kung tama pa masabi ko. Pero wala akong intensyon na paghinalaan sila kasi balita lang po sa akin ‘yun, pero hindi ako naniniwala,” dagdag pa niya.
Sa ngayon ay humihingi ng tulong ang pamilya nina Normaliza sa mga awtoridad at publiko para mahanap na si Pinky.
Para sa makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Pinky, mangyaring kontakin daw ang kaniyang pamilya sa numerong: 0970-188-5320.