January 15, 2025

Home BALITA National

VP Sara sa kabataang Pinoy: 'Manindigan kung ano ang tama, mabuti, at marangal'

VP Sara sa kabataang Pinoy: 'Manindigan kung ano ang tama, mabuti, at marangal'
Photo courtesy: Inday Sara Duterte/FB

Sa kaniyang pakikiisa sa International Youth Day nitong Lunes, Agosto 12, hinikayat ni Vice President Sara Duterte ang kabataang Pilipino na palaging manindigan para sa “tama, mabuti, at marangal.”

Sa isang pahayag, tinawag ni Duterte ang International Youth Day bilang isang oportunidad upang alalahanin ang “napakahalagang papel ng mga kabataan para sa matagumpay na pagtataguyod ng isang matatag, mapayapa, at maunlad na bansa.”

“Pagkakataon din ito upang paalalahanan natin ang ating mga sarili na tayo, bilang mga magulang, bilang mga mamamayan, bilang mga pinuno, at bilang isang bansa ay naatasang tiyakin ang kapakanan, karapatan, at magandang kinabukasan ng kabataang Pilipino,” ani Duterte.

Kaugnay nito, hinikayat ng bise presidente ang bawat Pilipinong pagkalooban ang kabataan ng maayos na edukasyon, kalusugan, at ligtas na komunidad.

National

'For the first time in 20 years!' BIR, nakakolekta ng ₱2.8T sa taong 2024

“Mahalaga ang kanilang partisipasyon sa ating pagpanday ng mga polisiya at pagsusulong ng mga pagbabago para sa mga Pilipino,” ani Duterte. 

“Tandaan natin na mamanahin nila ang ating mga tagumpay, mga kabiguan, at lahat ng mga magiging kahihinatnan ng ating desisyon ngayon. Maging halimbawa sana nila tayo ng katapatan, kabutihan, at pagmamahal sa Diyos, sa pamilya, at sa bayan.”

Nanawagan din ang pangalawang pangulo sa kabataang gamitin ang kanilang mga abilidad para sa tama at kabutihan.

“Sa mga kabataang Pilipino, sana ay gamitin din ninyo ang inyong talino, tapang, at lakas na manindigan kung ano ang tama, mabuti, at marangal. Magtatagumpay lamang tayo bilang isang bansa kung tayo ay nagkakaisa at kung ang mga kabataan ay ating kasama. Mabuhay ang kabataang Pilipino,” saad pa ni Duterte.