"May ganito pa palang tao?"
Iyan ang karamihan sa reaksiyon at komento ng mga netizen sa flinex na post ng isang estudyanteng nagngangalang Aira Artugue matapos niyang ibida ang nakaengkuwentrong driver ng isang motorcycle-hailing ride service na hindi siya siningil ng pamasahe matapos mapag-alamang nag-aaral pa siya.
Bandang Setyembre 2019 pa ang nabanggit na mga pangyayari subalit patuloy itong umaani ng reaksiyon at komento upang magdulot daw ng good vibes.
Sa viral Facebook post ng estudyante ng degree program na International Hospitality Management sa isang unibersidad sa Makati, kahit na pinipilit daw niyang magbayad kay Jester Regis Carillo ay ayaw talagang tanggapin ang kaniyang bayad.
"As a college student na hirap na hirap na sa gastusin sa school, may mga ANGHEL talaga that are always willing to help," mababasa sa post na ibinahagi sa Facebook page na "Viral Trends."
₱91 daw ang halaga ng pamasahe niya, at ang nakamamangha pa raw dito, ang mismong rider pa raw ang nag-sorry sa kaniya dahil sa hindi niya pagtanggap sa iniaabot niyang bayad.
"Pasensya na po. Hindi po talaga ako tumatanggap ng bayad mula sa estudyante," mababasa sa mensahe ng rider sa kaniya sa inilakip niyang screenshot ng pag-uusap nila.
'Kaya [no'ng] sinabi n'yo kanina na male-late na kayo, ginawa ko po ang lahat ng kaya ko within Angkas limitations para umabot kayo sa klase," saad pa ng rider.
Mas naantig pa ang estudyante sa iniwang mensahe sa kaniya ng rider.
"Mag-aral po kayo mabuti at sa ibang tao nyo na lang po ibalik ang kabutihan na naranasan ninyo sa akin. God bless you."
Narito naman ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:
"May the good Lord continue to bless you as you become a blessing to others. May Our Heavenly Father Ride With Us."
"God bless you more Kuya Jester Carillo."
"Saludo kami sa 'yo Kuya Jester!"
"nakakatuwa na may mga tao pa palang may ginintuang puso..."
"Wala pala sa Paris Olympics ang tunay na ginto."
Samantala, nakarating naman sa kaalaman ni Carillo na patuloy siyang pinag-uusapan at sinasaluduhan ng mga netizen kahit ilang taon na ang nakalilipas simula nang mangyari ito.
"Thank you for sharing," aniya.
Sa comment section ay patuloy pa rin siyang pinupuri dahil sa kaniyang adhikaing tulungan ang mga estudyante sa abot ng kaniyang makakaya.