"NILIBRE AKO NG ISANG PULUBI"
Kinaantigan sa social media ang post ng netizen na si Eryck Paolo mula sa Lala, Lanao del Norte tampok ang kuwento kung paano siya nilibre ng isang pulubi na kaniyang naging kaibigan.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Paolo, isa ring content creator, ang ilang mga larawan kung saan magkasalo sila sa pagkain ng kaniyang kaibigang si “Ate Membot” na siyang nanlibre daw sa kaniya ng pagkain nang mga panahong iyon.
“Siya si Ate Membot, ang kaibigan kong pulubi. Solid supporter ko ‘yan at ng aking grupo since 2015 noong hindi pa ako isang content creator. Madalas s'yang tumambay sa isang bakery kung saan malapit dati sa aming pinagpapractisan ng sayaw,” kuwento ni Paolo sa kaniyang post.
“Si Ate Membot ay hindi madamot, naalala ko pa dati nong 2015, pagkatapos namin magpractice ng madaling araw at gutom na gutom ako non pero sarado na lahat ng tindahan, meron syang naitabing tinapay at di sya nagdalawang isip na ibigay sa'kin ‘yun.”
Simula noon, ani Paolo, naging magkaibigan na sila ni Ate Membot at tinulungan na rin niya ito noong magkaroon siya ng sarili niyang kita.
“Naging magkaibigan na kami at noong nagkaroon na ako ng sarili kong income ay palagi ko na rin s'yang tinutulungan at binibigyan ng pagkain. Hanggang sa lumipat na s'ya ng pwesto sa isang convenience store. At doon kami madalas magkasabay kumain at mag-usap, minsan tanghali, minsan madaling-araw,” saad ni Paolo.
Noon lamang naman daw isang linggo nang tumambay si Paolo sa isang kainan, ngunit wala siya noong barya para pambayad sa pagkain. Doon ay napadaan daw si Ate Membot at bigla siyang tinawag nito para ilibre.
“Tinanong ako kung anong gusto kong kainin at inumin. Pabiro kong tinanong sa kaniya: ‘Bakit libre mo, Ate Membot? Haha’ Tapos sabi nya ‘Oo, sagot ko na ngayon’,” kuwento ni Paolo.
“Sa lahat ng mga natulungan kong tao, isa si Ate Membot na tumatak sa’kin na hindi nakakalimutang tumanaw ng mabuting nagawa ko,” saad pa niya.
Habang sinusulat ito’y umabot na sa mahigit 67,000 reactions, 345 comments, at 8,700 shares ang naturang post ni Paolo.
Narito ang ilang mga komento ng netizens:
“My tears automatically dropped when I read those captions in every picture sooooo true!”
“Nakuha nito attention ko. Sana dumami pa ang nag-eexist na taong tulad ni Ate Membot not only in the Philippines but in the whole world. Nakaka-inspire talaga.”
“Ate Membot looks like a lovely lady.”
“Naalala ko dati may pulubi na palaging naglalakad at nanghingi ng pera sa mga customer sa tapat ng store ni nanay and they gave coins then one time sinubukan ko ring manghingi sa kaniya (pulubi) and he gave me 5 pesos w/o hesitation then walked away. Natuwa ako at nalungkot that time. Maybe naisip niyang ‘alam ko gaano ka hirap manghingi’ kaya nya ko binigyan.”
“So inspiring story. Dito mo talaga masasabi na hindi basehan ang itsura at estado sa buhay kung anong klaseng tao ka .”
Sa eksklusibong panayam naman ng Balita, ibinahagi ni Paolo na sa lahat daw ng mga nag-viral niyang posts bilang content creator, ang kaniyang post tungkol sa pagkakaibigan nila ni Ate Membot ang hindi niya inaasahang magugustuhan ng mga netizen.
“Ang post po na iyan, ay isa sa mga hindi ko in-expect na maraming magugustuhan ang kwento. At lalo na yung last photo na andon ‘yung realization ko. Masaya syempre,” ani Paolo.
Samantala, na-disappoint naman daw siya sa ilang mganagsasabing ginagawa lamang daw niya ang naturang pagtulong sa pulubi para sa “clout,” bagay na wala raw katotohanan dahil noon pa man daw ay magkaibigan na sila ni Ate Membot.
“Since 2015 noong hindi pa ako content creator, talagang magkaibigan na kami n'yan ni Ate Membot. At madalas rin siyang mag-request sa’kin na mag-picture kami kasi keypad lang ang phone niya. Remembrance daw kaso maraming mga taong tinuturing syang mababang nilalang pero ako, tanging ako lang daw ang nakikipaghalubilo sa kaniya na hindi nandidiri sa kaniya at ng anak niya noon pa,” saad ni Paolo.