Pinaalalahanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil ang pulisyang isulong ang karapatang pantao sa kanilang operasyon laban sa iligal na droga sa bansa.
Sa kaniyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Camp Crame nitong Lunes, Agosto 12, sinabi ni Marbil na huwag kalimutan ng mga pulis sa kanilang trabaho ang pagtangkilik sa batas ng bansa.
“Sa ating recalibrated na drug war, ang unang-una nating intindihin ay pagtangkilik po sa ating batas,” ani Marbil.
“Let us observe human rights, let us preserve human life,” dagdag niya.
Ayon pa sa hepe ng PNP, lahat ng tao ay may pag-asa at wala raw karapatan ang sinumang “kunin ang buhay ng ibang tao.”
“Alalahanin n’yo, lahat ng tao may pag-asa. Wala po tayong karapatang kunin ang buhay ng ibang tao. Let us preserve. Let us respect,” saad ni Marbil.
“Nandito po tayo, we are called law enforcers, then we enforce the law in a proper order.” dagdag pa niya.