Malaki ang tsansang maging bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) ngayong Lunes, Agosto 12, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa public weather forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni Weather Specialist Obet Badrina na huling namataan ang naturang LPA 1,375 kilometro ang layo sa silangan ng extreme Northern Luzon.
“Base sa ating pinakahuling datos, nakikita natin na itong LPA ay malaki ang tsansa na maging bagyo ngayong araw,” ani Badrina.
“Pero posible rin ‘yung scenario na ito ay palabas na ng PAR,” dagdag niya.
Ang magiging pangalan daw ng susunod na bagyo na papasok o mabubuo sa loob ng PAR ay “Dindo.”
Wala naman daw direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa ang naturang LPA at hindi rin nito napapalakas ang southwest monsoon o habagat.
Samantala, sa kasalukuyan daw ay ang habagat ang nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa kung saan malaki ang tsansang magdudulot ito ng maulap na kalangitan na may mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Ilocos Region, Zambales, at Bataan ngayong Lunes.
Bukod dito, inaasahan ding magdadala ang habagat ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms sa Metro Manila, mga natitirang bahagi ng Luzon, Western Visayas, at Negros Island Region.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms din naman ang posibleng mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.